Ni Clea Faye G. Cahayag
Humigit-kumulang 1M halaga ng mga kagamitan, pinagkaloob sa Maunlad Mushroom Producers Association
PINAGKALOOBAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) MIMAROPA ng P997,144 halaga ng iba’t ibang mga kagamitan ang Maunlad Mushroom Producers Association o MMPA sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ay personal na iniabot ni DOLE MIMAROPA Regional Director Naomi Lyn C. Abellana kasama sina Kapitan Alfredo P. Mondragon, Jr.,ng barangay Maunlad at City Public Employment Service Office (PESO) Manager Mr. Demetrio Lopez, Jr., kay Joe Pamor, President ng MMPA noong ika-3 ng Hulyo taong kasalukuyan.
Nagpasalamat naman si Pamor sa tulong na ipinagkaloob ng ahensya sa kanilang asosasyon para mas mapalago pa ang kanilang mushroom production livelihood project.
Binigyang diin naman ni Director Abellana ang kahalagahan ng kooperasyon at good business practices sa isang grupo para magtagumpay ang isang proyekto.
“Pag-aralan ninyo ang takbo ng inyong negosyo. Sa ngayon, mag-concentrate kayo sa production, pag-okay na ang inyong cash inflow, mag-diversify kayo ng inyong produkto. Hikayatin ninyo ang mga tao na sa inyo kumuha,” ang mensahe nito ayon sa DOLE MIMAROPA.
Nangako naman si Kap. Mondragon na susuportahan ang proyekto ng MMPA dahil magbibigay ito ng alternatibong pagkakakitaan sa kanilang barangay.
Magiging katuwang naman ng DOLE ang City PESO sa pagmonitor ng naturang proyekto.