PHOTO | PALAWAN PROVINCIAL VETERINARY OFFICE

Ni Ven Marck Botin

BAGAMAN nagpositibo sa African Swine Fever o ASF ang Cocoro Island sa bayan ng Magsaysay nitong buwan ng Agosto, tiniyak ng pamunuan ng Provincial Veterinary Office (PVO) na ligtas pa rin ang ibang lugar sa Palawan mula sa mapinsalang sakit.

Sa panayam ng Provincial Information Office kay Dr. Darius P. Mangcucang, Officer-In-Charge (OIC) ng ProVet, kinumpirma nitong nanatiling ligtas ang ibang bahagi ng lalawigan sa banta ASF batay sa isinagawang monitoring at pagsusuri ng ahensya sa mga karatig-bayan ng Cuyo at Magsaysay.

Ayon pa sa opisyal, kahit apektado ng African Swine Fever ang isla naging maagap pa rin ang tanggapan ng ProVet katuwang ang lokal na pamahalaan sa mahigpit na pagbabantay sa eksportasyon o importasyon ng mga produkto o buhay na baboy para maiwasan ang paglaganap ng sakit.

Kaugnay rito, nananawagan ang Pamahalaang Panlalawigan sa publiko na sumunod sa mga panuntunan at batas laban sa mapinsalang sakit.

Hinikayat din ni Mangcucang na maging maingat at iwasan ang pagdadala ng mga produktong karneng baboy papasok ng Palawan sa nalalapit na kapaskuhan.

“Iwasan po natin ang pagdadala ng mga ipinagbabawal na mga produkto galing sa baboy lalo na sa nalalapit na December. Ang African Swine Fever po ay parang tsunami ‘yan na mabilis ang paghawa sa mga baboy at iyon ay highly virulent,” pagbibigay-diin ng opisyal.

Aniya, isandaang porsyento (100%) ang mortality kapag tumama umano sa mga alagang baboy ang ASF kaya hinihikayat nito ang publiko na irespeto ang mga batas ng Pamahalaang Panlalawigan ukol dito.

Patuloy rin ang pakikipagtulungan ng ahensya sa mga tanggapan ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Animal Industry (BAI), at iba pang mga ahensya para mapanatiling ligtas ang ibang lugar sa lalawigan mula sa ASF.

Aniya, ang massive blood sampling, surveillance, at information education campaign o IEC, at pagkumbinsi sa mga local hog raisers na magparehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA at Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang ilan sa mga hakbang para maiwasan ang paglaganap ng mapinsalang sakit sa mga alagang baboy.

Ayon naman sa pinakahuling datos ng Provet, nasa 285 na mga baboy ang namatay sa Cocoro Island sanhi ng African Swine Fever habang anim (6) naman sa mga ito ang sumailalim sa depopulation program kamakailan.

Dagdag dito, nasa walumpu’t apat (84) na hog raisers sa isla ang apektado.

Author