Photo courtesy | PIO-Palawan

INILAPIT ng Pamahalaang Panlalawigan ang serbisyong medikal sa mga residente ng bayan ng Taytay, Palawan, bilang bahagi ng pagsusulong ng kalusugan para sa mga Palawenyo.

Libreng tuli o circumcision, medical consultation, dental extraction and consultation, nutrition services, tuberculosis screening at malaria blood smearing ang naipagkaloob sa pamamagitan ng Provincial Health Office sa pangunguna ni PHO II Dr. Faye Erika R. Querijero-Labrador.

Base sa impormasyon, daan-daang mga indibidwal mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Taytay ang nakinabang sa serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng Serbisyo Progreso Sambayanan (SPS) Caravan, isang programa ng Provincial Government na layuning maabot ng mga serbisyong medikal ang mga Palawenyo, lalo na ang mga nasa malalayong lugar.

Ang SPS Caravan ay nilahukan din ng mga tanggapan ng Provincial Agriculture Office (PAGO), Provincial Veterinary Office (ProVet), Provincial Public Employment Service Office (PESO), Provincial Gender and Development (GAD) Office, Provincial Legal Office (PLO) at SPS Alay sa Kabataan.

Kabilang pa sa mga ipinagkaloob ng pamahalaan ang mga gamot at bitamina upang manatiling malusog at masigla ang mga residente na ipinamahagi sa loob ng limang araw na aktibidad simula ika-17 ng Pebrero, taong kasalukuyan.

Samantala, maraming residente rin ng Sofronio Española ang napangiti sa isinagawang libreng dental mission ng PHO-Palawan katuwang ang Sofronio Española District Hospital.

Mahalaga ang pagpapanatili ng kalusugan ng ngipin upang maiwasan ang mga sakit sa bibig tulad ng tooth decay, gingivitis, at periodontitis. Sa tulong ng dental mission, nabigyan ng pagkakataon ang mga residente na magkaroon ng access sa mga serbisyong ito upang mapanatili ang magandang kalusugan ng bibig, lalo na ang mga residente na nasa malalayong lugar na nais magpa-check up sa mga dentista.

Author