Ang Department of Tourism (DOT) ay magtatayo ng Tourism Rest Area o TRA sa munisipyo ng Brooke’s Point sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang inanunsyo ni DOT Secretary Christina Garcia Frasco sa pagbubukas ng 2nd Central Philippines Tourism Expo 2024 sa lungsod ng Puerto Princesa kahapon, Hulyo 19.
“Tapos na po tayo sa pag- inaugurate ng Tourist Rest Area natin sa Roxas, Palawan at susunod na po riyan ang pagsisimula ng TRA sa Brooke’s Point.
Hindi na po tayo mag-formal groundbreaking doon. It will start forthcoming na po yan kasi funded na siya and approved already. So we expect construction to commence within this year,” ani Frasco sa hiwalay na panayam ng midya.
Ang Tourism Rest Area ay isang lugar pahingahan ng mga turista mula sa napakahabang biyaheng pag-iikot sa iba’t ibang destinasyon sa Palawan.
Matatandaan, noong ika-12 ng Abril ang naging turnover ceremony ng TRA sa munisipyo ng Roxas.
Ang proyektong TRA sa Brooke’s Point ang ikalawang tourism facility sa lalawigan. Ito ang flagship program ng DOT sa pamamagitan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA).