Photo Courtesy | DOT Philippines

Sta. Monica, PPC — Ginawaran ng ASEAN Sustainable Tourism Awards (ASTA) ang Enchanting Gastronomic Sabang Delights Beach Forest and Caves kabilang ang mga partners nitong Daluyon Beach and Mountain Resort, Hundred Caves Viewing Adventure (HCVA), Puerto Princesa Subterranean Underground River (PPSUR), Trio Queen Travel and Tours (TQTT) at Cacaoyan Forest Park and Restaurant (CFPR).

Batay sa Facebook post ng Department of Tourism- Philippines, ang seremonya ay dinaluhan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco kung saan ito ang personal na nag-abot ng prestihiyosong parangal sa naturang tourism establishment.

ASEAN Green Hotel Award naman ang ipinagkaloob sa Club Paradise Palawan at ASEAN Meeting, Incentive, Convention, Exhibition (MICE) Venue Awards for Meeting Room Category ang iginawad sa Princesa Garden Island Resort & Spa.

Ang seremonya ay ginanap nito lamang Enero 26, 2024 sa Lao PDR.

Ayon pa sa DOT, 23 outstanding tourism stakeholders mula sa bansang Pilipinas ang kinilala sa katatapos lamang na 2023 ASEAN Tourism Standard Award.

Ang ASTA ay idinadaos kada dalawang taon na binubuo ng sampung (10) bansa na kinabibilangan ng Brunei- Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao PDR, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand at Vietnam na mayroong layunin na palakasin ang kolaborasyon sa pagitan ng bawat bansa upang mas paunlarin ang turismo at panatilihin itong sustinable.