HATING-GABI nang matiklo ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang anim na indibidwal sa Purok Masayahin ng Barangay San Jose ng lungsod dahil sa iligal na droga.

Sa kulungan na inabutan ng umaga ang mga naarestong drug personalities matapos mahuli bandang 12:25 ng umaga ng ika-23 ng Pebrero, taong kasalukuyan, sa pamamagitan ng anti-narcotics buy-bust operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng City Police Drug Enforcement Unit (CPDEU), City Intelligence Unit (CIU), at Philippine Drug Enforcement Office (PDEA).

Ayon sa police report, residente ng mga Barangay San Jose, San Manuel, Mandaragat, at Irawan ang nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, partikular na sa Seksyon 5, 11, at 12, pati na rin sa paglabag sa Republic Act 1059 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Ito ay matapos makabili ang poseur buyer mula sa mga suspek ng isang pakete ng pinaghihinalaang shabu kapalit ang P1,500.00 na ginamit bilang buy-bust money.

Matapos ang buy-bust transaksyon, nakuha sa mga durugista ang isang pakete ng pinaghihinalaang shabu na nakalagay sa loob ng coin purse, at isa rin pakete na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu na nasa loob ng Fort cigarette pack.

Nakumpiska rin ang isang homemade na shotgun na kargado ng isang bala, at tatlong improvised water pipes.

Ang matagumpay na operasyon ay nagresulta ng pagkakasamsam ng iligal na droga na humigit-kumulang 1.9 gramo, kabilang ang packaging, na may tinatayang halaga na P12,920.00.

Samantala, agad dinala sa Puerto Princesa City Forensic Unit ang mga nakumpiskang iligal na droga para sa laboratory examination.

Author