Planong ilipat ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Puerto Princesa ang motocross racetrack na matatagpuan sa tabi ng city hall, Barangay Sta. Monica.
Ito ay matapos makatanggap ng reklamo mula sa mga guro at mag-aaral ng Western Philippines University (WPU) batay sa kumpirmasyon ni Punong Lungsod Lucilo Bayron.
“Yung motocross natin dyan sa tabi ng city hall, nagrereklamo yung Western Philippines University (WPU). Nagsubmit sa amin ng petition signed by government students pati mga professors doon na nagsasabi kailangan alisin doon dahil racetrack ‘yan laging maalikabok, laging maingay na mayroon din silang punto.
Atsaka hindi naman talaga magiging permanent yung side na ‘yan ng motocross. Pagdating ng oras magiging commercial area na ‘yan. Mas maganda talaga ilipat nalang natin ang motocross [racetrack],” pahayag ng Alkalde.
Inihayag ni Bayron sa Environmental Estate ng siyudad ang isa sa kanyang nakikitang posibleng paglipatan ng nabanggit na race track.
Aniya pa, sa tabi ng motocross race track ay target din lagyan ng circuit race track.
“Why not ngayon na natin ilipat. Humahanap tayo ng possible motocross race track doon sa Environmental Estate at tatabihan natin yun ng circuit race track.
Yung circuit race track, yung mga tumatakbo doon mga big bikes atsaka mga kotse, mga race car,” anunsyo pa ng Alkalde.
Dagdag pa rito, ang pag-o-organisa ng drag race sa lugar.
“Maglagay na rin tayo doon ng drag race kasi hindi rin natin mapigilan ang mga kabataan natin dito na nagdadrag race. Doon nalang para safe yung kanilang street at may mga services na available na kung may aksidente mayroong makakaresponde,” paliwanag pa ni Bayron.