Ni Vivian R. Bautista
NAIS panagutin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang mga miyembro ng Iloilo Watercraft Association (IWA) na nagsagawa ng jet-skiing activity kamakailan sa ilang bahagi ng Marine Protected Area (MPA) ng bayan ng El Nido at Taytay, Palawan.
Napag-alaman na wala umanong kaukulang permit ang naturang grupo nang isagawa ang nasabing aktibidad, kaya’t ganun na lamang ang pagkadismaya ng mga Palaweño at iba’t ibang grupo sa Palawan, batay sa tanggapan ng impormasyon ng Kapitolyo.
Ayon kay Atty. Noel E. Aquino, hepe ng Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO), agad niyang tinawagan ang pamunuan ng El Nido-Taytay Managed Resource Protected Area (ENTMRPA) upang atasang magsagawa ng imbestigasyon ukol sa pagpasok ng mga ito sa naturang marine protected area.
“I have already called up the Park Superintendent of ENTMRPA to initiate an investigation on this violation of PAMB Resolution No. 052-2017 and ENIPAS particularly Section 20, G., moreover, I’m going to raise this in the next PAMB meeting to re-assessed the capability of the protected area office to implement the policy,” ani Atty. Aquino.
Samantala, dismayado rin sa naturang pangyayari si Board Member Ryan D. Maminta, Chairman ng Committee on Environment ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.
“Sa aking palagay, dapat maglabas ng kaukulang [impormasyong] may kinalaman sa mga pangyayari sa pag-jetski sa loob ng MPA ng El Nido at [Taytay] nang malinawan ang publiko kung ano ba talaga ang nangyari at bakit napayagan sila [roon]; at mapangalanan ang mga indibidwal [na sangkot],” saad ni BM Maminta.
Aniya, dapatpanagutin ang grupo dahil sa hindi nito pagsunod sa mga panuntunan na pinaiiral sa lugar.
“Kung ang pagpasok at paggamit ng jet ski sa MPA ay ipinagbabawal at ang paraan nang pagpasok pati na ang pagpapaalam nila ay may panlilinlang at pagsisinungaling, dapat lang na papanagutin ng [Protected Area Development and Management] at Lokal na Pamahalaan ng El Nido ang grupo at mga indibidwal na kasangkot [dito],” dagdag ni Maminta.
Sa kabilang dako, ang pagtatatag ng Marine Protected Areas ay isang malaking pakinabang na paraan sa konserbasyon at pamamahala sa pangisdaan.
Ito ay nakatutulong na protektahan ang mahahalagang tirahan ng iba’t ibang uri ng marine life at mapanumbalikk ang productivity ng mga karagatan at maiwasan ang karagdagang pagkasira nito.
Ang mga ito ay mga site rin para sa siyentipikong pag-aaral at maaaring pagkakitaan sa pamamagitan ng turismo at maayos na pangingisda.