Isinusulong ni Senadora Pia Cayetano na maging isang protected area ang Tubbataha Reefs Natural Park na matatagpuan sa bayan ng Cagayancillo, Palawan.
Ang lugar ay isa ring marine protected area at isa sa mga “biodiversity hotspots” na matatagpuan sa bansang Pilipinas.
Ayon sa Senadora, napakahalaga na pangalagaan ang mga likas na yaman ng bansa para sa susunod na salinlahi.
“Yes, sobrang importante yun. I had the opportunity nung ako po ay Chairman ng Committee on Environment nung unang, first few years ko, ang Tubbataha is one of the first na napasa natin. It’s very important, especially now na may awareness ang mga tao sa importance ng environment, pupunta talaga doon sa lugar na alam nila na nape-preserve.
So that is my challenge for the Palawenos, you also preserve it because the tourists also want to see na tayo mag-set ng standard, nirerespeto natin ang lugar natin. So we will also expect na rerespetuhin nila,” pahayag ng Senadora.
Binigyang-diin nito na alinsabay ng kaunlaran ay mainam na hindi napapabayaan ang kalikasan.
Aniya, ang sustainable growth ay kinakailangan ng ‘whole society approach” mula sa lokal na pamahalaan, mga unibersidad, paaralan, barangays at sa tulong ng mga national agencies.
Dagdag pa ng Senadora, nakikipagtulungan siya sa mga unibersidad para tiyakin na maiintindihan at bibigyang pagpapahalaga ng mga estudyante at kabataan ang pagkakaroon ng sustainable community.
“But doon lang talaga sa resources natin as a community, having sustainable communities is a goal. And I shared it with the kapitans when I talked to them. This is the goal, na yung barangay niyo, community niyo, umaasenso, pero nagpe-preserve pa rin kayo ng resources.
Hindi niyo inuubos. Because wala nang maiiwan sa next generation. That’s my passion.
So ako, I like to encourage the people that it’s up to them. Whether it’s a tourist or a new business, or even the locals feel welcome. When I say locals, meaning to say, maging business-friendly ang ating environment, nasa atin na po yan,” ang pahayag ni Cayetano nang kapanayamin ng lokal midya.
Ang Senadora ay dumating sa lungsod ng Puerto Princesa kahapon, araw ng Huwebes, Hunyo 27, para magpaabot ng tulong pinansyal sa mga residente ng Puerto Princesa.
Ngayong ipinagdiriwang ang Environment Month, nangako si Cayetano na patuloy na magsusulong ng mga polisiya para sa pangangalaga ng kalikasan hindi lang sa Palawan kundi sa buong bansa.
“For all the Palaweños, I am so excited to be here. It’s my pleasure to be back. And I’m one with you in preserving the God-given beauty of Palawan.
We always just have to find these policies that allow growth, that encourage the younger generation to be innovative, to look for opportunities that will provide more jobs… that our universities are equipped to teach our young people kung ano ang mga bagong technology na kailangan nilang matutunan, so that we can preserve what we have but at the same time, grow and be competitive worldwide.
Dahil nananalo tayo ng awards pero marami ring maganda sa ibang bansa. Alam mo kung saan natin tatalunin? Sa atin, sa mga Pilipino. Because we are known to be very warm, very hospitable. Doon manggagaling, but we have to equip ourselves with the tools.,”dagdag pa ng Senadora.