Binuo ng mga kapulisan ng Puerto Princesa City Police Office (PPCPO) ang Special Investigation Task Group (SITG) Abrina upang tutukan ang masusing imbestigasyon sa pagkakapaslang kay Atty. Joshua Lavega Abrina sa Barangay San Jose sa lungsod ng Puerto Princesa nitong nakalipas na gabi.
Kasalukuyang nangangalap ng posibleng saksi sa krimen ang pulisya, maging ang mga kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera sa mga lugar na posibleng dinaanan ng mga salarin.
Ayon sa City Police Office, nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang tanggapan sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno para mapabilis ang imbestigasyon. Pinakikilos na rin ng city police headquarter ang Intelligence Unit nito para sa pagkalap ng pagkakakilanlan at kinaroroonan ng mga suspek.
Mariing kinondena ni Acting City Police Office Director, Police Colonel Christine M. Tabdi, ang pamamaslang sa dating legal officer ng Department of Education (DepEd) Palawan Divison.
Ayon kay Tabdi, sisikapin ng kanilang kapulisan na agarang magkaroon ng positibong resulta at matukoy ang salarin sa lalong madaling panahon.
Aniya pa, agaran ding ipagbibigay-alam sa mga taga-lungsod ang findings ng kanilang imbestigasyon. Umapela rin si Tabdi sa kooperasyon ng publiko, at ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang anumang impormasyon sa mga suspek.
PABUYA SA MGA SALARIN
Naglagak ng tag-limampung libong piso (P50,000.00) sina City Councilors Jie Lao Jr., Elgin Robert Damasco, at Palawan Second District Board Member Ryan D. Maminta sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng mga salarin.
Naglaan din ng karagdagang tag-iisandaang libong piso (P100,000.00) ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) Palawan Chapter at national office habang karagdagang tatlumpung libong piso (P30,000.00) ang in-offer ni Kalayaan Municipal Vice Mayor Maurice Philip Alexis (MP) Albayda para sa ikahuhuli ng mga suspek.
Sa pahayag ni Damasco kamakailan, ang kaniyang inilaang pabuya ay magsisilbing karagdagang instrumento upang mabilis ang pagkakadakip sa gunman at posibleng mga kasamahan nito.
Naniniwala rin ang opisyal na posibleng may kinalaman sa dating trabaho ni Abrina ang pamamaslang. Aniya, maaaring naging motibo sa pamamaril ang mga ebidensiyang hawak ng abogado kaugnay sa “Item for sale” kung saan sangkot ang ilang matataas na opisyal ng DepEd Palawan.
GABI NG PAMAMASLANG
Matatandaang galing sa prayer meeting ang abogado kasama ang kaniyang pamilya nang maganap ang pamamaril sa bakuran nito sa Purok Bagong Pag-asa, Barangay San Jose, bandang 8:00 ng gabi nitong nakalipas na Miyerkules, Setyembre 17.
Dalawang bala ng baril ang tumapos sa buhay ng 32-anyos na dating Legal Officer ng Kagawaran ng Edukasyon – Palawan Division na bumitiw sa puwesto sa gitna ng kontrobersiya ng korapsiyon sa loob ng ahensiya.
Sa panayam ng lokal midya kay Alyas “John”, pamangkin ng abogado, bago aniya mangyari ang insidente ng pamamaslang, kararating lamang sa kanilang tahanan ang biktima kasama ang pamilya nito.
Aniya, pagkaparada ng sasakyan ng biktima, kinarga ng abogado ang kaniyang anak saka inihatid sa pintuan ng kanilang tahanan.
Kuwento pa ni John, inutusan din siya ng kaniyang tiyuhin na ibaba ang mga gamit nito mula sa sasakyan, ngunit dalawang magkakasunod na putok ng baril ang narinig ng saksi mula sa labas ng kanilang compound.
Lumapit pa aniya ang kaniyang duguang tiyuhin na humingi pa ng tulong sa kaniya. Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima ngunit binawian ng buhay mula sa dalawang tama ng baril.
Matatandaang naging abogado si Abrina nang makapasa sa 2019 Bar Examinations. Nagsilbi siyang Legal Officer ng DepED Palawan na bumitiw sa puwesto noong Hulyo 16, 2025, at lumipat sa Philippine Ports Authority (PPA) Palawan.
‘GRAVE MATTER THAT STRIKES AT THE VERY CORE OF JUSTICE’: LEONEN
Ipinag-utos kamakailan ni Supreme Court Acting Chief Justice Marvic M.V.F Leonen sa Chief Marshal at Deputy Marshal for Luzon na makipag-ugnayan sa anumang relevant investigative at law enforcement agencies sa bansa “to separately obtain updates” hinggil sa pagkamatay ni Abrina.
Ayon kay Leonen, nararapat na magkaroon ng mga kinakailangang impormasyon ang Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas “to further review its policies” upang matiyak ang kaligtasan ng mga legal professionals sa bansa.
Kinondena rin ng Mahistrado ang “senseless act of violence” na kung saan maituturing na “grave matter” sa hustisya at “rule of law” ang pamamaslang sa abogado. Aniya, “It must never be taken lightly”.
Ipinag-utos din ni Leonen sa Court Administrator na ipaalam sa mga Executive Judges sa first at second-level courts sa bansa na magsagawa ng “dialogues and focused group discussions” kasama ang mga chapters ng IBP at iba pang samahan ng mga abogado sa bansa upang alamin ang kalagayan ng kanilang mga lugar, at makapagkalap ng rekomendasyon para sa pagpapaigting ng kaligtasan ng mga abogado sa Pilipinas.
“These consultations aim to gain a better understanding of the situation in their area and gather recommendations on how the Court can further contribute to maintaining a level of safety for our lawyers”, pahayag pa ng opisyal.
Para naman sa “immediate action”, ipadadala sa Supreme Court Committees on Human Rights, Access to Justice, at Oversight ng Integrated Bar of the Philippines ang resulta ng nasabing talakayan.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay si Leonen sa mga naulilang kaanak ni Abrina.