TAGBUROS, Puerto Princesa City — Nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad ang pamunuan ng Inagawan Sub-colony-Iwahig Prison and Penal Farm (ISC-IPPF) bilang paggunita sa kanilang ika-81 anibersaryo ng pagkakatatag nito noong Hunyo 28, 2024.
Sa kaganapan, nagtanim ng mga punong niyog sa Barangay Tagbarungis ang mga tauhan ng ISC sa pangunguna ni C Senior Officer 4 Reynerio L Gimpaya Jr, Supervisor ng Inagawan Sub-colony, bilang pangako ng institusyon sa pangangalaga sa kapaligiran at pagpapanatili nito.
Kasunod ng pagtatanim ng puno, pinasinayaan din ang bagong itinayong dormitoryo sa Minimum Security Compound ng Inagawan Sub-colony. Habang nag-organisa naman ng mga palaro ang nasabing pamunuan sa Medium Security Compound na naglalayong pasiglahin ang pakikipagkaibigan at malusog na kompetisyon sa pagitan ng mga persons deprived of liberties.
Ang nasabing kaganapan ay matagal na umanong misyon ng institusyon na pasiglahin ang isang pagbabago ng kapaligiran na nagbibigay pag-asa, katatagan, at pangalawang pagkakataon.
Sa pagtatapos ng programa, isang aktibidad sa pagsasapanlipunan ang naganap sa ISC Multipurpose Hall, na minarkahan ang pormal na pagtanggap sa mga bagong gradweyt mula sa COCBC Class PAYONIRUS, at iba pang kamakailang itinalagang tauhan sa ISC-IPPF.
Ayon sa pamunuan, sa pamamagitan ng nasabing aktibidad muling pinagtibay ng ISC-IPPF ang pangako nito sa rehabilitasyon, pagbibigay ng mga pagkakataon para sa personal na paglago at positibong pagbabago para sa mga PDL sa ilalim ng pangangalaga nito.