Photo courtesy | PPCJ-MD

Malaking tulong para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDL) sa Puerto Princesa City Jail- Male Dormitory (PPCJ-MD) ang pagkakaroon ng kasanayan sa sining para sa dagdag na pagkakaabalahan at pagkakakitaan habang nasa loob ng piitan.

Matagumpay na nakumpleto ng siyam na PDL ang ipinagkaloob na libreng pagsasanay sa pagguhit ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) PPCJ-MD.

Pinangunahan ni Jail Officer 1 Neil Factura ang nasabing aktibidad matapos ang maayos na koordinasyon sa pamunuan ng pasilidad piitan para sa pagkakaloob ng mga kagamitan para sa mga PDL gayundin ang seguridad sa pagsasagawa ng pagsasanay.

Sumailalim ang siyam na PDL sa programang “GUHIT o Gain Useful Habits for Illustrating True-to-Life Art na magbibigay ng kaalaman at kasanayan sa pagguhit, at makakatulong sa Good Conduct Time Allowance (CTGA), ayon kay Factura.

Lubos naman ang suporta ng BJMP Regional Office MIMAROPA sa “Integration Through Skills Development Project” na ibinibigay sa mga PDL. Ito ay bahagi ng pagpapaunlad sa kakayahan ng mga PDL at magamit sa oras na sila ay makabalik na sa komunidad.

Samantala, nasa 288 PDL naman ang nakiisa at lumahok sa iba’t ibang livelihood, sports and recreation, education at moral recovery program maliban sa isinagawang skills training.

Ang mga ganitong programa ay nagsisilbing inspirasyon at pag-asa sa kanilang rehabilitasyon at reintegration sa lipunan para muling maging mga produktibong mamamayan.

Author