Ni Vivian R. Bautista
PINANGUNAHAN nina Brooke’s Point Mayor Cesareo R. Benedito Jr., Vice Mayor Atty. Mary Jean D. Feliciano, at ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Provincial Director Virgilio L. Tagle, ang pagpapasinaya ng Integrated Business Permit and Licensing System sa bayan ng Brooke’s Point na ginanap sa Convention Center ng munisipyo, nitong ika-8 ng Agosto 2023.
Layunin ng nasabing aktibidad na mapadali ang pagproseso ng pagkuha ng lisensya ng building permit para sa sinumang nagnanais na magpatayo ng gusali o tahanan na sakop ng pinapairal na batas.
Ang Business Permit and Licensing Section ay nakatalagang mag-isyu ng permit sa mga Business Establishment na nag-ooperate sa loob ng Munisipyo sa pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang line office ng Government Unit at concerned National Agencies.
Mandato nito na magsagawa ng Business Tax Assessment, pag-iisyu ng mga Business Permit at Lisensya, pagsubaybay at pagpapataw ng mga mandatoryong pamantayan upang matiyak ang pagsunod sa mga naaangkop na batas, panuntunan at regulasyon upang maprotektahan ang mga interes ng publiko at upang itaguyod ang komersyal at pang-industriya na aktibidad para sa pangkalahatang kapakanan ng munisipalidad.
Pinasalamatan naman ni Mayor Jun Benedito ang mga ahensya ng DICT, DILG at DTI sa programang handong nito na mapabilis ang pagkuha ng mga business permit upang mahikayat ang mga negosyante na iparehistro ang kanilang negosyo at mapataas ang local collection nang sa ganun ay matugunan ang mga pangangailangan ng mga kababayan gayundin ang mga opisina.
Nakiisa rin sa kaganapan sina Hazel Salvador CESO V-Department Trade and Industry (DTI) Provincial Director, DIR Cheryl C. Ortega DICT Regional Director, Engr. Virgo N. Pinangay DICT Palawan Provincial Office at iba’t ibang kawani ng barangay at pamahalaang lokal ng bayan.
Sinabi ni Mayor Benedito na karangalan umano para sa kanilang bayan na mabigyan ng ganitong programa na nakatutulong na mas mapaganda pa ang serbisyo sa naturang bayan, batay sa Information Office ng LGU Brooke’s Point.