Binisita ng mga opisyal ng National Irrigation Administration (NIA) Mimaropa Regional Office ang Tagbolante Irrigator’s Association, Inc. sa Brgy. Berong, bayan ng Quezon, Palawan, kamakailan.
Pinangunahan ni Regional Manager Ronilio M. Cervantes ang pagbisita na naglalayong makausap ang asosasyon at makita ang kanilang proyekto sa naturang barangay.
Ayon sa ahensiya, nakatuon ang aktibidad sa assessment ng Tagbolante Communal Irrigation System (CIS) at pagtugon sa mga suliranin ng mga benepisyaryong magsasaka.
Liban dito, binisita rin ng grupo ang terruvia dam, kung saan ininspeksyon ang mga istruktura nito upang malaman ang mga interbensyon na kinakailangan para sa pagpapabuti nito.
Hinikayat din ng ahensya ang samahan na manatiling matatag sa kanilang pakikipagtulungan sa NIA upang matiyak ang tagumpay ng sistema ng patubig.
Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng kanilang pagnanais ang mga opisyal at miyembro ng asosasyon para sa rehabilitasyon ng sistema ng patubig upang maging mabisa ang kanilang mga lupang pang-agrikultura.
Tiniyak din ng mga opisyal na kanilang tutugunan ang bawat kahilingan ng mga benepisyaryong magsasaka upang mabigyan ang mga ito ng karagdagang talakayan at potensiyal na pagkilos.