©Pet S. Salvador | https://www.petsalvador.com/

(Ilan sa mga retratong kuha sa ginanap na Ironkids Philippines 2023 sa lungsod ng Puerto Princesa. Kuhang larawan / Facebook/ Pet Salvador Sports Photography)

PALAWAN, Philippines — Matagumpay ang kauna-unahang Ironkids Race sa lungsod ng Puerto Princesa nitong nakaraang Sabado, Nobyembre 11, na ginanap sa Ramon V. Mitra, Jr. Sports Complex, sakop ng Balayong People’s Park,

Nasa isandaan at dalawampu’t limang (125) mga bata, edad anim (6) hanggang labinlima (15) ang nagtagisan ng galing upang masungkit ang kampeonato.

Ang mga kalahok ay miyembro ng tri-clubs mula sa Puerto princesa at iba’t ibang rehiyon sa Pilipinas gaya na lamang ng Cebu, Davao, Isabela, at iba pa.

Sa press conference, inihayag ni Ironman Group Philippines Regional Director Princess Galura na ipinagmalaki nito ang matagumpay na Ironkids sa bansa simula taong 2010. Ani Galura, nahinto ang nasabing kids’ triathlon event nang halos dalawang (2) taon dahil sa pandemya na Covid-19. Nitong taong 2022, muli itong sinimulan sa lungsod ng Lapu-lapu, lalawigan ng Cebu.

Saad ng opisyal, ‘stepping stone’ ng mga Ironkids participants ang nasabing triathlon event para maging kalahok ng Ironman 70.3 series.

Aniya, dahil ito sa mga bagong ka-partner ng Ironkids na kinabibilangan ng Ironman Group Philippines, Robinsons Land Corporation, at RLC Residences kaya mas lumawak pa umano ang naaabot ng naturang paligsahan.

Sinabi rin ng pamumuan ng Ironman na dahil sa malinis na karagatan ng siyudad, maayos na track oval, at mabilis na transaksiyon kay Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron kaya’t naging matagumpay ang Ironkids Race 2023.

Samantala, ang naturang kompetisyon ay nagsimula sa swimming pool area kung saan hinati ang mga kalahok sa iba’t ibang ‘age bracket category’ para sa paglangoy ng 100 metro ang layo, sunod naman nilang tinungo ang track oval upang tapusin ang kanilang pagtakbo na mayroong habang 1.5 kilometro.

©Pet S. Salvador | https://www.petsalvador.com/

Authors