Nabulabog ang malalim na gabi ng mga durugista nang makatransaksyon nila ang mga operatiba sa bayan ng Narra bandang 1:05 ng madaling araw nitong ika-20 ng Enero, taong kasalukuyan.
Ayon sa ulat ng pulisya, naaresto ang 30-taong gulang na alyas “Bonjovi” na nakalista bilang isang Street Level Individual (SLI) na sangkot sa laganap na bentahan ng droga.
Nasakote ang suspek bunga ng isinagawang operasyon ng mga tauhan ng Palawan Provincial Police Office (PPO) sa Purok Pag-asa, Barangay Antipuluan, Narra, Palawan.
Natiklo si “Bonjovi” matapos magbenta ng isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu kapalit ng P7,000.00 sa isang undercover na pulis; samantalang ang isang suspek na kinilalang si alyas “Sonny Boy” ay nanatiling pinaghahanap.
Nakumpiska mula kay “Bonjovi” ang tinatayang 4.09 gramo ng hinihinalang shabu na may halagang P24,000.00, buy-bust money, at iba pang parapernalya ng droga. At kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya para sa paglabag sa Republic Act 9165 o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Matatandaan, nangako si Police Major Thirz Starky B. Timbancaya, Hepe ng Narra Municipal Police Station (MPS) na susugpuin niya ang iligal na droga sa bayan ng Narra sa loob ng isang buwan.