Lumipas na ang sampung taon ngunit tila kahapon lamang nang magbuwis ng buhay ang apatnapu’t apat na mga magigiting na Philippine National Police’s Special Action Force (PNP-SAF) dahil sa trahedya ng Mamasapano noong Enero 25, 2015.
Pinangunahan ng kapulisan ang pagdiriwang ng Araw ng Pambansang Pag-alala para sa sakripisyo ng SAF 44 na may temang “Higit sa Tapang: Pag-alala sa Sakripisyo ng SAF 44 para sa Kapayapaan” nitong ika-25 ng Enero, taong kasalukuyan.
Sinimulan ang programa sa pamamagitan ng isang wreath-laying ceremony bilang pagpupugay sa mga bayaning nagbuwis ng kanilang buhay.
Matatandaan, ang operasyon na may codename “Oplan Exodus” ay layong hulihin ang mga kilalang terorista kabilang ang Malaysian bomb-maker na si Zulkifli Abdhir o alias Marwan at Abdul Basit Usman.
Base sa impormasyon, nakasagupa ng SAF commandos ang pinagsanib na puwersa ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa matinding labanan na nagresulta sa pagkamatay ng 44 SAF members.
Ang bawat miyembro ng SAF 44 na nagbuwis ng kanilang buhay ay kabilang sa mga elite forces na espesyal na sinanay para sa mga delikadong misyon at operasyon laban sa terorismo.
Tuwing ika-25 ng buwan ng Enero ay ginugunita ang kanilang kabayanihan. Ito ay nagsilbing paalala ng kanilang sakripisyo at dedikasyon sa tungkulin, pati na rin sa kahalagahan ng kapayapaan at seguridad ng bansa.