Photo courtesy | DSWD

Malaki ang pasasalamat ni Analinda Puerin ng Barangay Poblacion sa nabanggit na bayan nang mapabilang sa mga nakatanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Naiahon muli ni Analinda ang kanyang munting negosyong kainan mula sa pagkalugi at pagkalubog sa utang.

Ang ina na may orthopedic disability ay muling nagkaroon ng kumpiyansa at pag-asa para magpatuloy sa pagtataguyod at maibigay ang pangangailangan ng pamilya.

Pinamunuan niya ang kanyang munting negosyo sa loob ng walong taon na pangunahing tumutulong sa kanyang pamilya. Sa kabila ng kanyang kondisyon sa kaliwang kamay, kinaya niya ang lahat ng aspeto sa negosyo — mula sa pagbili ng mga sangkap, pagluluto, paghuhugas ng pinagkainan hanggang sa pagseserbisyo sa mga kustomer.

Base sa impormasyon, nakaranas ng matinding pagsubok ang kanyang negosyo nang ipatupad ang lockdown noong pandemya na siyang naging sanhi ng kawalan ng kita.

Ang naitabing kapital ay nagamit naman para sa kanilang pangangailangan dahilan upang siya ay malugi at malubog sa utang.

Bagaman naging benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng DSWD, hindi ito naging sapat para tugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya.

Sa kabila ng lahat ng ito, patuloy na nagsikap si Annalinda upang masuportahan ang pag-aaral ng kanyang tatlong anak na pawang nasa kolehiyo at senior high school.

Dahil sa livelihood assistance grant na kanyang natanggap, ibinili niya ito ng mga saku-sakong bigas at mga bottled water bilang dagdag sa kanyang kita.

Samantala, layunin ng SLP na makabuo ng self-sustaining micro-enterprise at makabuluhang pagkakataon sa trabaho, at nag-aangat ng kanilang pamantayan sa pamumuhay.

Author