Ni Samuel Macmac
PUERTO PRINCESA CITY — MAGSASAGAWA ang Pamahalaang Panlalawigan ng sabay-sabay na tree planting activity sa 23 munisipyo sa nalalapit na pagdiriwang ng 30th Pista ng Kalikasan.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng programa ng Provincial Government-Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) ng Pamahalaang Panlalawigan para sa pagsasakatuparan ng 2nd Synchronized Pista ng Kalikasan, ayon sa tanggapan ng impormasyon ng Kapitolyo.
Ang mahalagang hakbang na ito ng Pamahalaang Panlalawigan ay sumasalamin sa patuloy na pagsisikap at dedikasyon para sa pangangalaga sa kalikasan at bilang bahagi ng selebrasyon ng Baragatan Festival 2024 kaalinsabay ng ika-122 anibersaryo ng pagkakatatag ng gobyerno sibil ng Palawan.
Ito ay may temang, “Kapit Kamay sa Pagpapanumbalik ng Luntiang Kapaligiran, Hakbang Para sa Inang Kalikasan.
”Aabot sa isang milyong mangrove seedlings o bakawan ang inaasahang maitatanim sa isasagawang malawakang aktibidad ngayong taon kung saan tinatayang humigit kumulang 44,000 na seedlings ang target na maitanim sa bawat munisipyo.
Nakabatay naman sa Forest Land Use Restoration Network (FLRN) ng PG-ENRO ang mga natukoy na lugar na pagdadausan ng tree planting na kung saan nagsisilbing mapa ng lalawigan para matukoy ang mga lugar na itinuturing na ‘high priority’ na nararapat na pagtuunang pansin sa pagsasagawa ng anumang restoration initiatives.
Samantala, nakasaad sa Republic Act. No. 10176 Section B na kinakailangang magtanim ng isang puno bawat taon ang lahat ng may kakayahang mamamayan na hindi bababa sa 12 taong gulang.