PALAWAN, Philippines – Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Philippine Navy gamit ang BRP Ramon Alcaraz PS16 sa lumubog na Vietnamese fishing vessel na may Bow Number na Q. Ng 96554 TS sa Quirino o Jackson Atoll sa katubigan ng West Philippine Sea (WPS) nitong Hulyo 30, taong kasalukuyan.
Ayon sa ulat ng ahensya, wala umano silang naabutang mga tauhan sa nasabing barko kundi tanging oil spill lamang at iba’t ibang uri ng pagkain at mga inumin ang nadatnang palutang-lutang.
Sa patuloy na pagpapatrolya ng tropa, namataan ng mga ito ang isa pang Vietnamese fishing vessel sa layong 4.6 nautical miles mula sa pinangyarihan ng insidente.
Nakumpirma naman ng tropa ng Philippine Navy na ligtas at nasa maayos na kalagayan ang mga crew ng lumubog na barko matapos respondehan ng kanilang mga kababayang mangingisda.