Photo | Dinnah Magay Bernardo
Tunay ngang maganda na malinis sa ipinagbabawal na gamot ang mga residente ng ilang lugar dahil mangangahulugan ito na mas ligtas at payapa ang mga tao sa kapahamakan at ligtas din ang kanilang mahal sa buhay na malulong sa bisyo na madalas ay pinagmumulan at nagiging dahilan ng krimen.
Kapag laganap ang droga sa paligid ay malaki ang posibilidad na maakit dito ang mga kabataan na ang nais ay malaman at maranasan ang epekto nito o kaya ay makantiyawan ng barkada ng walang pagkonsidera sa maaaring ibunga ng pagtikim.
Nakakatakot ang epekto ng ipinagbabawal na gamot dahil kapag ang isang tao ay isa nang dependent o lulong na dito ay mababago ang sistema ng kanyang katawan.
Katulad ng pagkain kapag kulang na ito sa katawan ay mag-iiba ang pakiramdam, tulad ng panghihina, hindi na mapakali, pinagpapawisan, nanginginig na tila sila ay nagugutom.
Kung kaya ay kinakailangan na ulit na magkarga ng gamot upang mapanatili ang lebel nito sa dugo at maibalik sa kung anong magandang pakiramdam na dulot nito.
Tulad ng pagkain na kailangan ng katawan upang mabuhay, kapag lulong na sa gamot ay halos ganito na rin ang resulta sa katawan ng isang adik.
Kung kaya mahalaga na walang ipinagbabawal na gamot sa paligid upang mawala ang tukso. Ito ay totoo hindi lamang sa mga kabataan kundi sa iba pang tao na naliligaw ng landas o kaya ay ginagamit ang gamot upang takasan ang kanilang problema.
Kung paano mawawala ito nang tuluyan sa komunidad ay isang hamon sa mga otoridad na nagpapatupad ng batas at nag-iimbestiga sa kung saan ito galing.
Maliban sa mga otoridad ay dapat din na pagtuunan ng pansin ng mga magulang ang kanilang mga anak upang palagian nilang maipaalala na walang maibubuting maganda ang pagagamit ng droga dahil sa ito ay may masamang epekto sa katawan.
Ang malawakan at patuloy na pagpapakita ng pagkasira ng buhay ng isang lulong, pati ng kanyang pamilya at epekto nito sa komunidad ay nararapat upang ito ay lubusang iwasan, hindi lang ng mga gumagamit, mga nagbebenta at gumagawa nito.