PUERTO PRINCESA CITY — UMABOT sa 129 na mga Palaweñong aplikante ang naserbisyuhan sa isinagawang 2024 Quarter Local and Overseas Job Fair ng Pamahalaang Panlalawigan na ginanap sa NCCC Mall Palawan, nitong Marso 13, 2024.
Nasa dalawampu’t tatlong (23) local at overseas recruitment agencies ang nakiisa sa kaganapan upang maghanap ng mga manggagawang nais magtrabaho mapa-lokal man o abroad.
Ayon kay Provincial PESO OIC Orphy C. Ordinario, ang malawakang job fair ay taun-taon nilang ginagawa batay sa direktiba ni Gobernador Dennis Socrates upang tugunan at tulungan ang mga Palaweñong naghahanap ng mapapasukang trabaho.
Aniya, ang petsa ng naturang aktibidad ay bahagi ng paggunita ng ika-91 kaarawan ni dating Gob. Salvador P. Socrates at pakikiisa na rin sa selebrasyon ng Women’s Month ngayong Marso.
“Ngayon pong araw, March 13, ay ginugunita natin ang kaarawan ng dating Gobernador ng Palawan Salvador ‘Badong’ Socrates, hindi lang dahil ama siya ng kasalukuyang gobernador ng lalawigan ng Palawan ngunit dahil siya po ang nagsimula ng PESO dito sa lalawigan kaya hindi po siya nakakalimutan ng opisina.
Ngayon din pong buwan ay sini-celebrate [rin] natin ang Women’s Month kaya kasama natin ang Provincial GAD,” ani Ordinario.
Sa naging mensahe naman ni GAD Officer Richard Winston Socrates, ipinarating nito ang kanyang pagbati sa lahat ng mga kababaihan at muling binigyang-diin ang karapatan at kakayahan nito sa lipunan.
“Ipinapaabot po natin ang ating matatag na layunin na itaguyod ang pagkapantay-pantay sa lahat ng larangan kasama na ang sektor ng manggagawa. Ang pagdiriwang na ito ay hindi lamang isang okasyon kundi isang pagsusumikap na patunayan ang kakayahan ng kababaihan at ang kanilang papel sa paghubog ng mas makatarungan at inklusibong lipunan,” pahayag ng opisyal.
Sa pangunguna ni Gob. Socrates, hangad ng gobernador na patuloy na matulungan na mabigyan ng pagkakataon ang mga Palaweño na makahanap ng maayos na trabaho dito sa lalawigan maging sa ibang ng bansa.
Sa pamamagitan ng mga kahalintulad na aktibidad, masisiguro na lehitimo ang mga ahensyang kalahok at maiiwasan ang mabiktima ng illegal recruiter.
Samantala, personal namang dumalo si Governor Victorino Dennis M. Socrates upang ipakita ang suporta sa mga aplikanteng nagnanais magtrabaho sa loob at labas ng bansang Pilipinas.
Dumalo rin sa kaganapan sina Ginoong Jayson Padin bilang kinatawan ni Department of Migrant Workers (DMW) Palawan Coordinator Jonathan Gerodias, at Head Officer Carlo B. Villaflores ng DOLE Palawan Field Office.