Photo Courtesy | Philippine Navy
PALAWAN, Philippines — Matagumpay ang isinagawang pagsasanay ng Naval Forces West na ginanap nitong Enero 29, 2024 sa paligid ng Rita Island, Barangay Bahile, Lungsod ng Puerto Princesa.
Ang ehersisyo ay binubuo ng dalawang (2) Marine Companies na kinabibilangan ng Marine Battalion Landing Team-9 (MPLT9) at BRP Davao Del Sur (LD602).
Naging posible ito sa pamamagitan ng Naval Task Force 42 na nagpapakita ng kahandaan at kahusayan ng Marine Amphibious Ready Unit (MARU) sa pagsasagawa ng amphibious operations na kung saan ay itinatampok ng dinamikong pagsasanay na ito ang pangako ng command sa pagpapanatili ng kahandaan sa pagpapatakbo at pagpapahusay ng mga kakayahan pagdating sa seguridad sa dagat.
Sa pagsasanay ay ipinamalas ng mga kalahok na yunit at mga tauhan ang kani-kanilang kahusayan pagdating sa mga amphibious assault tactics, beach landing, tactical reconnaisance, at iba pang mahahalagang pagmaniobra.
Sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasanay kaugnay sa amphibious operations ay pinatitibay ng Naval Forces West ang kahandaan nitong suportahan nang epektibo ang mga layunin ng seguridad ng Western Command sa Joint Operational Area.
Ang mga kahalintulad na pagsasanay na ito ay magpapahusay umano sa kakayahan ng command na tumugon ng mabilis sa hamon ng seguridad sa dagat, ayon sa Naval Forces West (NFW).