PALAWAN, PHILIPPINES – BILANG suporta sa pagpapaunlad ng Agri-Forestry sa iba’t ibang bahagi ng lalawigan ng Palawan, muling nagkaloob ng iba’t ibang kagamitang pang-agrikultura o farm tools ang Provincial Government- Environment and Natural Resources Office (PG-ENRO) sa mga magsasakang miyembro ng Macatumbalen Community Based Forest and Coastal Management Association (MCBFCMA) nitong Mayo 10, 2024 sa
Sitio Macatumbalen, Barangay Poblacion, San Vicente, Palawan.
Ayon sa ulat ng Provincial Information Office Palawan, ang nasabing aktibidad ay bahagi pa rin ng Provincial Support Program para sa mga CBFM sa lalawigan, Biodiversity Conservation, at Enhancement Program of Public Parks and Green Spaces na inisyatibo ng PG-ENRO.
Layunin ng kaganapan na mas mapaigting pa ang mga programang may kaugnayan sa agro-forestry gayundin bilang pagpapakita ng suporta sa mga aktibidad hinggil sa pamamahala ng mga nursery sa mga pampublikong parke sa iba’t ibang bayan sa lalawigan kabilang na ang MCBFCMA na matatagpuan sa nabanggit na bayan.
Ilan sa mga ipinamahaging kagamitang pang-agrikultura na magagamit ng benepisyaryong grupo ay kinabibilangan ng digging bar, expandable garden hose, garden net/shade net, hoe, hose bib/faucet, heavy duty garden hose,
garden bolo (7 at 9 pulgada), hole digger, knapsack sprayer, pruning shear, pick mattock, sprinkling can/watering can, square at round shovel, plastic container drum, at wheelbarrow.
Naniniwala rin ang PG-ENRO na sa pamamagitan ng mga ganitong tulong ay mapapaigting ang pangangalaga sa kalikasan at maiiwasan ang pagdepende ng komunidad sa kagubatan at iba pang likas yaman sa lugar.