PUERRO PRINCESA CITY — Inanunsyo ni Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco na magtatayo ng Tourism Rest Area o TRA ang Kagawaran ng Turismo sa bayan ng Brooke’s Point bilang karagdagang resting area ng mga turistang nagbabakasyon sa lalawigan partikular sa bahaging sur ng Palawan.
Nitong araw ng Biyernes, Abril 12, kasabay ng inagurasyon at turnover ng TRA sa bayan ng Roxas, ibinalita ng kalihim ang planong karagdagang TRA sa lalawigan.
“We have more for tourism this year, one more Tourism Rest Area which will build in Brooke’s Point in Palawan and that hopefully were able to lay out other points for the TRA in other portions of the province,” ang naging anunsyo ng Kalihim.
Ang Tourism Rest Area ay isang lugar pahingahan ng mga turista mula sa napakahabang biyaheng pag-iikot sa iba’t ibang destinasyon sa Palawan.
Ang pasilidad na ito ay mayroong malinis na palikuran, charging station, pasalubong center at information center.
Layunin din nito na mabigyan ng kaginhawaan at magandang karanasan sa mga biyahero upang lalo nilang ma-enjoy ang pagbabakasyon sa Palawan.
Ang iba pang TRAs sa bansa ay matatagpuan sa Manolo Fortich, Bukidnon; Island Garden City of Samal (IGaCoS), Davao del Norte; Dauis, Bohol; Carcar City at Carmen, Medellin at Moalboal sa Cebu.
Ang proyektong TRA sa Brooke’s Point ang ikalawang tourism facility sa lalawigan.
Dagdag dito, ang TRAs ay flagship program ng DOT sa pamamagitan ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), ang kaakibat na ahensya ng Kagawaran ng Turismo.
Sinabi pa ng Kalihim na maaaring magsumite ang iba pang municipal mayors ng request letter na may kinalaman sa mga proyektong makatutulong sa turismo sa kani-kanilang lugar.
“Request letter lang po ang katapat, hintayin ko lang po ang inyong mga request letters kasi nais po talaga natin na makatulong ang ating national government sa ating mga local government unit,” dagdag pa ng Kalihim.
Samantala, naunang inanunsyo ng Secretary Frasco ang planong pagtatayo pa ng dalawampung (20) karagdagang TRAs sa mga strategic locations sa bansa ngayong taon.