PUERTO PRINCESA CITY — Isa sa kinakaharap na suliranin ngayon ng bansa ang patuloy na pagtaas ng mga pangunahing bilihin tulad na lamang ng presyo ng bigas.
Batay sa Price Situationer ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa unang linggo ng buwan ng Hunyo, ang isang kilo ng special rice ay may average retail price na 64.69 piso.
Ayon naman kay Retired Colonel Ariel Querubin, ang kakulangan sa post harvest facilities ang isa sa kanyang nakikitang problema kaya mataas ang presyo ng bigas.
“Ang napansin ko lang sa pag-iikot namin, kasi pagpunta namin ng Iloilo tinanong ko sila, [mga] magsasaka, sabi ko bakit nag-i-import tayo ng mga mais, mani o kung anu-anong [agricultural products], bakit hindi tayo magtanim? Sagot nila, kasi Sir wala po tayong post harvest facilities, anf even ‘yung pagpunta namin sa Tuguegarao maraming nagwawalis ng palay sa daan. Dati may dryer [yung gobyerno] binigay pero after two months nasira na,” pahayag ni Querubin.
Dagdag pa rito, isa rin sa nakikitang suliranin sa pagsipa ng mga presyo ang mga middle men na karaniwang big players na pagpasok at paglabas ng mga produktong agrikultura sa Pilipinas.
Aniya, kung bibigyan lamang ng pansin ng gobyerno ang sektor ng agrikultura, malaking kaginhawaan ito sa mga magsasaka gayundin sa mga mamamayan.
“So lahat ng ito nagkokontribute sa pagtaas ng presyo ng bigas. Sa madaling sabi kung meron lahat itong mga post-harvest facilities o subsidiya yung ating gobyerno palagay ko bababa ang presyo ng bigas,” komento pa ni Querubin.