ISINAALANG-ALANG ng Korte Suprema ang hinaing ng mga residente sa bahaging Sur ng Palawan at inutusan ang mga kompanya ng minahan at iba pang opisina ng pamahalaan na may kaugnayan dito na magsumite ng kanilang komento sa petisyon na inihain ng nasabing mga tao.
Ang writ of kalikasan o writ of nature ay isang kakaibang remedyong legal na sa Pilipinas lamang mayroon na nagbibigay ng proteksiyon sa karapatan ng mga tao sa isang balanse at malusog na ekolohiya na sang-ayon sa galaw ng kalikasan.
Ang karapatan na ito ay nakapaloob sa Konstitusyon na nagbibigay sa tao ng malusog na kapaligiran at ito ay dapat na pangalagaan ng Estado.
Kapag nanganib o nakikita ang negatibong resulta sa mga gawain na makaaapekto sa kalikasan ay maaaring pigilan ng Hukuman maging ang mga negosyo o aktibidad na nabigyan na ng permiso o kontrata ng Pamahalaan dahil sa mas isinasaalang-alang nito ang karapatan ng tao na mabuhay sa isang malusog na kapaligiran na itinuturing na isang karapatang pantao.
Ang responsibilidad na patunayan na hindi magbibigay ng masamang epekto ang kanilang gawain o proyekto sa kapaligiran ay ang kompanya o proponente nito. Dapat maipakita na ligtas ang nasabing gawain na makasira ng kalikasan upang hindi mapigilan ng Korte ang patuloy na operasyon nito.
Ang writ of kalikasan ay natatanging remedyo upang mapangalagaan hindi lang ang Inang Kalikasan kundi pangunahin dito ang kalusugan ng mga mamamayan at ang karapatan na mabuhay sa isang malusog na kapaligiran.