PHOTO//DINNAH MAGAY BERNARDO

Repetek News

Team

NAPAKAYAMAN ng Palawan hindi lang dahil sa langis at gas, mga halaman at hayop na maaari lamang matagpuan dito sa atin, maputing buhangin sa mga dalampasigan at laksa-laksang isda sa karagatan; kundi dahil na rin sa malapad na lupain na naglalaman ng iba’t ibang mineral at ang potensiyal nito na maaaring pagtamnan ng mga puno at pananim.

Upang mas mapakinabangan ang nasabing yaman ay dapat na ito ay gamitin sa paraan na hindi tuluyang masisira ang kapaligiran at may konsiderasyon sa pangmatagalang gamit kaakibat ang pangangalaga nito.

Palaging magkatapat ang isyu ng ekonomiya o kaunlaran at pangangalaga sa kalikasan kung kaya madalas na mahirap isipin kung ano ang mahalaga, tiyan at sikmura sa kasalukuyan o ang kalusugan at Inang kalikasan at para sa susunod na henerasyon.

Kung magiging balanse naman ang konsiderasyon dito ay siguradong makikinabang lahat ngayon at pati na sa hinaharap.

Matatawag naman na balanse ito kung magagamit nang tama ang kapaligiran at ang likas yaman na makikita dito.

Magiging mas maunlad ang isang bayan kung pinakikinabangan ang mga likas na yaman nito nang may pag-iingat at ang pag-iingat na ito ay ayon sa mga polisiya at responsableng pagsunod sa mga alituntunin. Kung masusunod lamang ang mga batas at mga kundisyon ukol sa tamang paggamit ay makikinabang ang mga tao at uunlad ang kanilang hanapbuhay at ang pagsunod na ito ang magiging paraan upang mapangalagaan at maprotektahan ang kalikasan.

Kapag maunlad ang isang bayan na hitik pa rin sa ganda ang kalikasan ay balanse ang lahat tungo sa magandang bukas.