Photo courtesy | PIO-Palawan
PALAWAN, Philippines – Nilagdaan nina Governor Victorino Dennis M. Socrates, City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron, at Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia ang kasunduan kaugnay sa kampanya laban sa illegal recruitment at human trafficking sa lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan nitong nakalipas na Martes, Nobyembre 28.
Pinagtibay ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DMW, Palawan Provincial Government, at iba pang Local Government Units (LGUs) kaugnay sa Anti-illegal Recruitment and Trafficking in Persons (AIRTIP) Campaign na isinusulong ng pamahalaang nasyunal upang protektahan ang mga manggagawang Pilipino partikular ang mga nagtatrabaho abroad o Overseas Filipino Workers (OFWs).
Ayon sa mensahe ni Olalia, ang DMW ang pinakabagong tatag na ahensya sa kasalukuyang administrasyon na isang legasiya umano ni dating DMW Secretary Maria Susana “Toots” Ople na yumao nito lamang Agosto 2023. Aniya, naipasa noong Disyembre 2021 ang batas upang ito ay maging ganap na departamento na naging fully operational nito lamang Enero ngayong taon. Ang ahensya ay itinuturing na “Tahanan ng mga OFW” at mayroong labing-anim (16) na regional offices sa bansa kabilang ang Region IV-B na nasa Palawan.
“We need to protect our main clients which is the Overseas Filipino Workers (OFWs) o ang mga minamahal na mga bagong bayani nating itinuturing… Our national policy is to provide the framework for our OFWs. Overseas employment is a matter of choice rather than a matter of necessity…
Sana po ang pag-alis ng mga kababayan natin lalong-lalo na ‘yung may pamilya na at iiwanan ang kanilang mga mahal na anak at mahal na asawa ay hindi po sa pilitan. Sana po, isa itong choice na alam at buong puso na tinanggap ng ating kababayan bago po siya umalis,” ani Olalia.
Sa mensahe ni Socrates, binigyang-diin nito na mahalaga umano na palakasin ang pagpoprotekta sa mga migrant workers partikular na ang mga kababaihang OFW na umano’y kalimitang nagiging biktima ng illegal recruitment at human trafficking.
Aniya, mabuting pataasin ang kamalayan ng komunidad lalo na ng mga lokal na opisyal sa lalawigan kung kaya may mahalagang papel na ginagampanan ang mga Municipal Mayors na dumalo sa kampanya. Nilalayon din umano ng kasunduan na isulong ang mga karapatan at kapakanan ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) sa kabuuan ng kanilang labor migration journey.
“This event is important sapagkat bago ang ating Department of Migrant Workers at patunay na tumaas lalo na ang ating consciousness sa pagbibigay ng proteksyon sa ating mga migrant workers. This phenomenon of course is an offshoot of the continuing, increasing globalization of economies,” ani Socrates.
Kaugnay rito, ang human trafficking ay isang krimen laban sa sangkatauhan. Ang Pilipinas ang isa sa may malaking populasyon ng mga migranteng manggagawa kung saan kadalasan nabibiktima ang mga ito. Ang tanggapan naman ng DMW ay inaatasan na pangasiwaan ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa at pagsasama ng mga manggagawang Pilipino habang isinasaalang-alang ang mga pambansang programa sa pagpapaunlad ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Sa kaganapan, nakiisa rin upang lumagda ang mga municipal mayors mula sa mga bayan ng Agutaya, Balabac, Cagayancillo, Araceli, Brooke’s Point, El Nido, Quezon, Kalayaan, Rizal, Magsaysay, Cuyo, Dumaran, Sofronio Española, San Vicente, at Taytay; maging ang City at Provincial PESO.