PHOTO || DINNAH MAGAY ROSAURO

Repetek News

Team

MAYAMAN ang Pilipinas sa deposito ng mga mineral, langis, at gas na naghihintay lamang na madiskubre ang kinalalagyan at ang iba ay upang minahin.

Sa Palawan ay mayroong mga minahan sa lupa na kung papayagan lahat ay makakaapekto ng husto sa kapaligiran at sa mga puno sa kabundukan kung kaya napakaingat ng pagbibigay ng permiso upang makapagsimula ang operasyon, pati na ang eksplorasyon nito.

Mayroon ding nag-iisang mina ng natural gas sa Malampaya Gas to Power Project na maaaring malapit nang maubos sa ilang taong darating. Ang natural gas na mula sa Malampaya ang ginagamit para sa elektrisidad ng Kamaynilaan kung kaya malaki ang epekto nito kung mawawalan na ng suplay.

Maaari nating sabihin na napakayaman natin sa mga langis at gas ngunit kung ito ay hindi mamimina ay hindi rin magiging kapaki-pakinabang sa mga tao. At kung hindi mababantayan ay baka ibang bansa pa ang makakuha ng produkto.

Kahit ang Pamahalaang Nasyunal ay walang kakayahang gumastos sa pagsasagawa ng eksplorasyon ng mina sa dagat, lalo na ang teknikal na kaalaman at mga kagamitan upang magsagawa ng paghahanap at pag-aaral kung saan sisimulan ang paghukay at pagbutas ng mga kinaroroonan ng mina.

Kapag mayroon nang nakita ay kailangan din ang kakayahan ng pagtatayo ng istruktura sa gitna ng dagat na lubhang malaki ang gastos. Kasunod nito ang mga kagamitan sa operasyon ng paghigop at pagdadala sa planta, lalo na at nasa gitna ng karagatan ang pagmumulan.

Kaya nga ba tayo ay mayaman ngunit kulang pa rin sa kapital.

Author