Ni Ven Marck Botin
MASISIBAK sa puwesto ang dalawang (2) Coast Guard personnel kaugnay sa tumaob na bangka sa Laguna de Bay, sa Bgy. Kalinawan, sa Binangonan, Rizal, kahapon, ika-27 ng Hulyo.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), umakyat na sa dalawampu’t anim (26) ang binawian ng buhay habang talumpung (30) indibidwal naman ang nailigtas mula sa insidente.
Batay sa ulat ng nasyunal midya, nag-panic daw ang mga pasahero nang biglang sumama ang panahon habang nasa lawa ang Bangkang Aya Express lulan ang nasa mahigit 78 na katao.
Sa passenger manifest, dalawampu’t dalawang (22) pasahero lamang ang naideklara.
Napag-alaman ding 42 ang “maximum capacity” ng tumaob na bangka, kasama ang dalawang crew at isang boat captain.
Dagdag ng ahensya, overloading umano ang naging sanhi ng trahedya.
Samantala, kaninang alas-sais ng umaga, muling naglunsad ng search and rescue/retrieval (SAR) operations ang pamunuan ng PCG.
Magsasagawa naman ang kanilang ahensya ng parallel investigation katuwang ang Philippine National Police (PNP) kaugnay sa insidente.
Sa kabilang dako, mahaharap naman sa patung-patong na kaso ang kapitan at operator ng Bangka dahil sa naging kapabayaan ng mga ito na naging sanhi ng kalunus-lunos na trahedya.