Nanumpa na ang tatlumpu’t anim (36) na mga bagong deputized Wildlife Enforcement Officers (WEOs) sa harap ng mga miyembro ng konseho ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) nitong Biyernes, Enero 3, taong 2025.
Ayon sa ahensiya, ang mga nanumpang opisyales ay awtorisado na manghuli ng mga indibidwal na lumalabag sa Republic Act (RA) 9147 alinsunod sa probisyon ng PCSD Administrative Order No. 12.
Maliban sa kautusan, ang RA 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act ay nag-aatas din sa mga awtoridad na manghuli at kumpiskahin ang mga ilegal na gawaing ipinagbabawal sa ilalim ng nasabing batas pangkalikasan.
Batay rin sa nilalaman ng Seksyon 5.1 ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas, may kapangyarihan na magsagawa ng warrantless arrests, tumulong sa pagsasagawa ng surveillance at wildlife monitoring ang mga deputized officers ng mga ahensiyang nangangalaga sa kalikasan ng bansang Pilipinas.
Inaprubahan ng konseho ng Palawan Council for Sustainable Development nitong Hulyo 2024 ang Resolution No. 24-1002 na may titulong “Designating/Deputizing PCSD Wildlife Enforcement Officers (WEOs) as Cave Protection Enforcement Officers (CPEO) effective for two years from the date of WEO deputation/designation”.
Ang nasabing ordinansa ay nagpapahintulot sa mga deputized officers na ipatupad ang RA 9072 o National Caves and Cave Resources Management and Protection Act.
Sa ilalim ng nasabing batas pangkalikasan, binibigyang awtoridad ang mga opisyal na arestuhin ang mga taong lumalabag sa mga alintuntunin at regulasyon ng batas 9147 at 9072. Tungkulin din ng mga bagong WEO na magsilbing Cave Protection Enforcement Officers (CPEOs) sa ilalim ng PCSD Administrative Order No. 8.
Samantala, muling sasailalim sa karagdagang pagsasanay para sa renewal ang mga bagong deputized Wildlife Enforcement Officers kapag natapos ang dalawang taong validity ng kanilang deputation.
Sa ngayon, ang PCSD ay mayroon nang 304 na aktibong WEO at CPEO na mangangalaga sa mga kagubatan at wildlife resources sa lalawigan ng Palawan.