Ni Ven Marck Botin
NAALARMA kamakailan ang buong nasasakupan ng Barangay Napsan dahil sa naiulat na bahagyang pagtaas ng kaso ng Dengue na tumama sa mga batang naninirahan sa lugar.
Sa panayam ng Repetek kay Napsan Bgy. Captain Gerry Acosta, kinumpirma nitong naalarma ang kanilang barangay council sa kaso ng Dengue kaya nagkaroon ng pagsasagawa ng fogging ang kanilang Barangay Health Workers upang puksain ang naturang sakit.
“Base [roon] sa result at monitoring [ng aming Barangay Health Workers], medyo naalarma kami kasi nga tinamaan kami talaga ng Dengue especially sa mga bata. I think, siguro mga limang (5) batang nagkaroon [nito] o pataas pa,” pahayag ni Acosta.
Aniya, dahil sa bahagyang pagtaas ng kaso ng Dengue sa kanilang nasasakupan. Nagkaroon ng fogging activity sa mga eskwelahan, kabahayan, at ilang mga pampublikong gusali at lugar upang puksain ang sakit na Dengue at maiwasan ang pagtaas ng kaso nito.
“Pero ganunpaman [nagpulong] kami ng barangay council ka-partner ‘yung [ating] mga barangay health workers, agad-agad [kaming] nag-request na magpa-fogging sa lahat ng eskwelahan ng Napsan.”
Aniya, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng fogging, mapupupuksa nito ang patuloy na pagtaas ng Dengue o break-bone fever sa lugar. Mapupuksa rin nito ang pagdami ng mga lamok na nagdadala ng Dengue sa kanilang lugar.
Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention o CDC, ang mga lamok na nagdadala ng sakit na Dengue ay tinatawag na infected Aedes species mosquitoes o Ae. aegypti or Ae. Albopictus kung saan ang sakit na dengue ay naipapasa sa pamamagitan ng kagat ng mga ito.
Ang mga lamok na nabanggit ay nagdadala rin ng mga viruses gaya ng zika at chikungunya.
Samantala, kinumpirma rin ng Punong Barangay na mababa ang kaso ng Malaria sa Barangay Napsan dahil sa patuloy na monitoring ng kanilang Barangay Health Workers ukol dito.