Photo Courtesy | PLESP

MANINGNING, Puerto Princesa City — Matagumpay ang isinagawang refresher seminar ng Provincial Legal Extension Services Program (PLESP) nitong nakalipas na Huwebes, Pebrero 8, sa bayan ng Aborlan, Palawan.

Ayon sa tanggapan, tinalakay sa nasabing aktibidad ang patungkol sa Katarungan Pambarangay at iba’t ibang batas para sa mga bagong halal na opisyal ng Barangay sa nabanggit na bayan.

Naging posible ang pagbabalik ng programa g PLESP sa bayan ng Aborlan sa pakikipagtulungan nina Mayor Jaime Ortega, Palawan 3rd District Board Member Rafael V. Ortega, Jr. at Aborlan Association of Barangay Captains (ABC) President Danilo Cortez at mga miyembro ng asosasyon.

Ang programang PLESP-PLO ay pinangunahan ni Provincial Legal Officer Atty. Joshua U. Bolusa kasama sina Atty. Mary Joy M. Ordaneza-Cascara, Atty. Christine N. Aribon, Atty. Ryan Oliver Cayatoc, Atty. David Israel Rivera, at Department of the Interior and Local Government (DILG) Municipal Local Government Operations Officer (MLGOO) Mery Sumondong.

Kaugnay nito, umabot sa isandaan at isa (101) na mga indibidwal ang aktibong lumahok sa isang araw na kaganapan kabilang dito ang mga barangay officials at miyembro ng lupon mula sa labinsiyam (19) na mga barangay ng Aborlan, Palawan.

Samantala, ang kaganapang ito ay bahagi ng isang mas malawak na pananaw na hawak ng PLESP. Misyon ng nasabing aktibidad na matiyak na ang bawat munisipalidad sa Palawan na magkaroon ng direktang access sa mahahalagang serbisyong legal.