Photo Courtesy | Coast Guard District Palawan

Ni Marie Fulgarinas

Wala nang buhay ng matagpuan sa mangrove area ng dalampasigan ng Brgy. Iwahig, bayan ng Bataraza ang 5-taong gulang na batang nawawala na residente ng Brgy. Salang, bayan ng Balabac, Palawan.

Nang maglayag kasama ang ilan pang indibidwal noong Setyembre 17, lumubog ang kanilang sinasakyang bangka sa karagatang bahagi ng Brgy. Ramos na naging dahilan ng pagkawala ng biktima.

Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), bandang alas 9:00 ng umaga nitong Linggo, Setyembre 22, nakatanggap ng tawag ang Coastguard District Palawan na may nakita umanong bangkay sa isang bakawan sa nabanggit na lugar.

Agad na tumungo ang tropa ng PCG kasama ang ilang kawani ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) Bataraza at ilang kaanak ng biktima upang kumpirmahin ang pagkakakilanlan nito. Nang makarating sa lugar, positibong kinumpirma ni Ricky Aling, ama ng biktima, na anak nito ang bangkay na natagpuan sa nabanggit na lugar.

Nai-turn over na ng mga awtoridad ang mga labi ng biktima sa pamilya nito.

Matatandaan, unang natagpuan nitong Setyembre 18 ang bangkay ng ina at 7-anyos na kuya nito. Kasama sa lumubog na bangka ang ama ng biktima at isa pang kaanak na nakaligtas sa nasabing insidente.

Author