PUERTO PRINCESA CITY — Itinatag sa Culion Sanitarium and General Hospital o CSGH ang kauna-unahang government hospital-based Hemodialysis Unit sa buong rehiyon ng MIMAROPA.
Ayon sa Kagawaran ng Kalusugan 4B, ang bagong tatag na proyektong nabanggit ay isang maayos na hakbangin patungo sa maayos na serbisyong pangkalusugan para sa mga mamamayan ng Palawan patunay na patuloy na pag-unlad sa nasabing rehiyon.
Ang ospital ay nagsisilbing referral hospital sa mga kabayanan mula sa norte ng Palawan para sa pagkakaloob ng mahahalagang serbisyong medikal sa mga nangangailangang mamamayan ng mga karatig-lugar
Kaugnay rito, pinasalamatan naman ng Kagawaran ng Kalusugan si Dr. Arturo Cunanan, na siyang namumuno sa Culion Sanitarium and General Hospital, dahil sa kaniyang matagumpay na hakbang para sa transpormasyon ng Culion mula sa isang kolonya na mayroong sakit na leprosy patungo sa isang ganap nang ospital na mayroong pinalawak na serbisyo.
Ang pagtatatag ng dialysis center na ito ay magbibigay ng malaking ginhawa sa maraming pamilya, alinsunod sa prinsipyo ng Kagawaran ng Kalusugan na “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Buhay Mahalaga.”