PUERTO PRINCESA CITY — Sumailalim sa dalawang (2) araw na pagsasanay ang mga kawani ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) na ginanap sa Municipal Center Point ng naturang bayan nitong Agosto 1 hanggang ika-2 ng buwan, taong kasalukuyan.
Ayon sa tanggapan ng lokal na pamahalaan, ang pagsasanay ay patungkol sa Gender Sensitivity and Basic-Crisis Intervention na pinangunahan ni Ms. Maria Linda A. Dubla, MSWD Officer, na naglalayong palakasin ang pagkakaroon ng pantay na karapatan at oportunidad para sa lahat ng kasarian at anumang antas ng pamumuhay ng isang tao, maging babae man o lalaki.
Anila, makatutulong ang pagsasanay para sa mga Social Workers o Public Servant upang magkaroon sila ng dagdag na kaalaman sa mga nararapat na gawin gayundin upang maisabuhay ang pagkakaroon at pagbibigay ng pantay na pagtrato, karapatan, at oportunidad sa bawat mamamayan na nangangailangan ng kanilang tulong.
Samantala, nagbigay naman ng kanyang mensahe si Executive Assistant I/Acting Municipal Administrator Mr. Edmond B. Gastanes bilang kinatawan ni Municipal Mayor Gerandy B. Danao.