LUBOS na apektado ng El Niño phenomenon ang sektor ng agrikultura sa lungsod — dahil sa matinding init ng panahon, maraming taniman ng palay at gulay ang natuyo maging ang mga pinagkukunan ng tubig tulad ng mga balon na natuyo na rin.
Sa privileged speech ni City Councilor Elgin Robert Damasco, ilang barangay sa lungsod ang hindi na nakakapagprodyus ng palay dahil sa nararanasang El Niño.“Matindi na ang epekto ng El Niño phenomenon sa lungsod ng Puerto Princesa at isa sa apektado ng init ng panahon yung mga kababayan nating magsasaka.
Kung bibisita tayo sa mga rice fields tulad ng mga Inagawan, Kamuning, Inagawan Sub, Manalo at iba pang mga lugar.Makikita natin na wala na talagang produksyon ng palay dahil wala na pong tubig na dumadaloy [sa kanilang taniman] at ilang barangay sa Norte pati naggugulay sa Busngol, Salvacion at iba pang barangay sa Puerto Princesa ay apektado na rin po,” ayon kay Damasco.
Ilang barangay rin sa Norte ang wala nang mainon na malinis na tubig dahil natuyo na rin ang mga deep well o balon at umaasa na lamang sa nirarasyon na tubig ng City Water District.
Ang El Niño ay ang pag-init ng temperatura ng tubig sa Pacific Ocean.
Pahayag pa ng Konsehal, nakasaad sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Memorandum Order No. 60 series of 2019, ang isang siyudad, munisipyo o rehiyon ay maaaring magdeklara ng State of Calamity kung nagkaroon ng malawakang pagkawasak ng mga palaisdaan, pananim, hayop at iba pang agrikulturang produkto.
Kabilang din ang pagkagambala ng food supply chain, elektrisidad, malinis na inuming tubig at iba pa na hindi kayang isaayos sa loob ng isang linggo o hindi kayang ipanumbalik sa loob ng 24-oras sa isang Highly Urbanized City.
Ayon kay Damasco, pasok ang Puerto Princesa City sa mga nabanggit na criteria kaya naman nagpasa ito ng isang resolusyon na humihiling sa City Disaster Risk Reduction and Management Council o CDRRMC na agarang magconvene para sa posibleng deklarasyon ng State of Calamity sa siyudad.
“Ang ilang mga problema na ito ay pasok sa criteria, sa tingin ko ng NDRRMC na pwede tayong magdeklara ng State of Calamity para mgamit natin yung contingency fund ng lungsod para masuportahan ang mga apektadong magsasaka. Mabigyan sila ng financial assistance kasi for how many months wala silang produced na [palay], wala silang kita.
Paliwanag pa ng konsehal, hindi maaaring magdeklara ng State of Calamity ang Sangguniang Panlungsod dahil ayon sa batas kailangan muna itong dumaan sa local DRRMC.Dagdag pa nito, mayroon na ring mga naitala ang City Veterinary Office na namatay na mga hayop dahil sa heat stroke.
Hindi rin nakaligtas sa matinding init ng panahon ang mga seaweed farmers. “[Mayroon] namang intervention ang City Agriculture Office pero mas maganda kung madagdagan pa natin ang tulong natin sa mga bayaning magsasaka at mangingisda na silang dahilan kung bakit meron tayong kinakain dito sa lungsod ng Puerto Princesa,” binigyang diin pa ni Damasco.
Ang panukala ni Damasco ay sinuportahan naman ng kanyang mga kasamahang konsehal.