Ni Vivian R. Bautista
PERSONAL na binisita ni Dr. Denise Margaret Matias ng grupo ng Eberswalde University for Sustainable Development ng bansang Germany at Project Zoo Map team si Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates nitong nakaraang Huwebes, ika-17 ng Agosto 2023.
Batay sa Provincial Information Office, tinalakay ng grupo at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang kanilang layunin ukol sa pananaliksik na nakasentro para sa kasanayan at pamamahala ng Biosphere Reserve sa lalawigan.
“This project is funded by a Germany-based foundation and we aim to investigate the role of socio-cultural relations in zoonoses including the [endangered] species like Philippine Pangolin and assessing the role of cultural practices in enabling wildlife trade,” pahayag ni Dr. Matias.
Sa kabilang banda, nagpahayag naman ng suporta sa mga layunin ng Project Zoomap ang gobyerno ng Palawan partikular na umano sa pagbibigay ng mga kinakailangang impormasyon at tulong sa biosphere conservation studies.
Ang grupo ng Zoomap Germany ay binubuo ng Project Coordinator na si Stephanie Murr, G. at Saleem Haddad, pawang mga kinatawan ng Eberswalde University for Sustainable Development.
Kasama rin dito sina Philippine counterpart Prof. Neliza Tabi, Prof. Marilyn Baaco, Prof. Imelda Pacaldo, Mr. Jordan Mosquito, Dr. Rodolfo Abalus Jr., at si G. Jandi Panolino mula sa Palawan State University (PSU) campuses.
Kilala ang lalawigan ng Palawan sa angkin nitong ganda at may tinatayang mahigit isang (1) milyong ektaryang biosphere reserve na pinaninirahan ng iba’t ibang buhay ilang – flora man o fauna.