ALAM niyo ba na ang King Fahd International Airport na matatagpuan sa Dammam, Saudi Arabia ay ang pinakamalaking paliparan sa buong mundo?
Ang King Fahd International Airport ay may lawak na 78,000 ektarya. Ito ay mayroong dalawang (2) runway; na may parehong 4 na kilometro (2.5 mi) ang haba, at binubuo ng apat na terminal na gusali na may kabuuang lawak ng sahig na higit sa 800,000 metro kuwadrado (8.6 milyong talampakang kuwadrado).
Ang Passenger Terminal ay nagsisilbi sa mga pangunahing pasahero, ang Aramco Terminal ay ginagamit ng mga empleyado ng Aramco upang sumakay sa mga flight ng Saudi Aramco Aviation at ang Royal Terminal naman ay nakalaan para magamit ng Saudi royal.
Ang konstruksyon ng nasabing paliparan ay sinimulan noong taong 1983 at nagtapos ang pagsasaayos nito noong 1990. Ang disenyo ng paliparan ay nagsimula noong 1976 at nilikha ng mga arkitekto ng Yamsaki & Associates kasama ng Aerosystems International. November 28, 1999 naman ito binuksan sa publiko na pinangunahan ng General Authority of Civil Aviation ng Saudi Arabia.
Ang mga gusali ng terminal para sa mga pasahero ay may isang anim na palapag na istruktura na may kabuuang lawak na 327,000 m2 (3,520,000 sq ft). Humigit-kumulang 247,500 m2 (2,664,000 sq ft) ang itinayo sa unang yugto, bilang karagdagan sa 11 fixed passenger boarding bridge na nagsisilbi sa labinlimang (15) gate mula sa orihinal na na kapasidad ng disenyo na 31 fixed boarding bridge.
Kung ikukumpara sa iba pang mga pangunahing paliparan sa buong mundo, ang King Fahd Airport ay namumukod-tangi hindi lamang sa laki nito kundi pati na rin sa estratehikong lokasyon at kahalagahan nito sa Gitnang Silangan.
Ang paliparan ay nagsisilbing gateway sa Silangang lalawigan ng Saudi Arabia, na nagpapaunlad ng ekonomiya at nagpapadali sa kalakalang pang-internasyonal. Nakapag-ulat din ito ng taunang pagtaas ng bilang ng mga pasaherong bumibiyahe taun-taon na nag-ulat ng rekord na 16.2% o 10.9 milyong pasahero noong taong 2023 na pinakamataas mula ng ito’y binuksan.