PALAWAN, Philippines — Nahigitan ng City Government ang kanilang itinakdang target na makokolekta mula sa mga buwis at bayarin sa lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa City Information Office (CIO), lumagpas ng mahigit 100% na halaga ang inaasahang kikitain ng pamahalaang lungsod nito lamang taong 2023.
Batay sa consolidated report mula kay City Treasurer Jerome Padrones, kumita ang city government ng 313,362,536.04 milyong piso mula sa Real Property Tax, higit itong mataas ng 114% mula sa target na P275,000,000.
Sa Business Tax naman, nakapaglikom ng P480,282,512.51, mataas ng 118% sa target na P405, 600,000.
Sa Fees and Charges naman, kumita ang city government ng P160,475,257.15, mataas ng 120% mula sa itinakdang koleksyon na P133,250,000.
At mula sa Economic Enterprises umabot sa P158,094, 997.91, lagpas ng 196% sa inaasahang koleksyon na P80,750,000.
Paliwanag ni Padrones tumaas ang koleksyon ng pamahalaang lungsod dahil sa mga isinagawang auction sale mula sa mga ari-ariang ‘di-natitinag, pagkakaroon ng online transactions ng business at building permits, pagiging bukas sa industriya ng komersyo at turismo, maging ang mga negosyo at proyekto sa lungsod tulad ng palengke, baywalk stalls, land transportation terminal at fishports ay nakadagdag din sa pagtaas ng koleksyon.
Positibo rin ang city government na mapananatili ang pagtaas ng kita ng Puerto Princesa dahil marami na ang naipatayong proyektong pang-imprastraktura tulad ng pampublikong pamilihan.