PALAWAN — Idinadawit ang pangalan ni Konsehala Judith ‘Raine’ Bayron sa diumano siya ang nagmamay-ari ng tistisan na natagpuan sa pasilidad ng City ENRO sa barangay Irawan lungsod ng Puerto Princesa.
Ayon sa Konsehala, nung nangyari ang bagyong Odette sumulat ang kaniyang tanggapan at Oplan Linis sa City ENRO para bumuo ng tistisan sa layuning matistis ang mga natumbang puno dulot ng hagupit ng bagyong Odette partikular sa bahaging Norte ng siyudad.
“May sulat po kami at pinayagan nila kami na bumuo ng tistisan. Dalawang tistisan ang aming binuo ang pangunahing layunin ng tistisang iyon ay matistis namin ang mga nagkalat na niyog pa nga nu’ng una [roon] sa Langogan,” pahayag ng Konsehala.
Aniya, matapos matistis lahat ng mga natumbang puno batay na rin sa kahilingan ng mga residente, nakiusap umano ang chieftain ng Barangay Tanabag na kung maaari ay mahiram nila ang tistisan dahil sa kanilang barangay marami pa rin ang mga nakahambalang mga puno sa daan.
Ngunit makalipas ang ilang linggo, ipinabatid ng pinuno ng mga katutubo na ang tistisan na ipinahiram ng opisyal ay kinuha na ng City ENRO.
Ani Raine, walang koordinasyon sa kanila ang City ENRO na kukunin nito ang tistisan.
“[Matapos ang dalawa o tatlong Linggo bumaba ang chieftain in-inform sina Dreu Manlawe, Oplan Linis Head, at Richard Ferrer na kinuha ng City ENRO ang aming tistisan. Hindi po nagpaalam ang City ENRO na kukunin nila ang tistisan. Hinayaan na po namin ‘yon dahil ang plano po namin ay i-turnover sa kanila dahil wala ngang permit ang tistisang iyon,” paliwanag pa ng Konsehala.
Dagdag pa nito, ang isang tistisan ay kaniya ring pina-dismantle kalaunan.
“Hindi ko na po alam kung anong nangyari doon sa tistisan na kinuha ng City ENRO. Hindi ko rin ma-identify kung ‘yong pinakita kanina sa video ay ‘yong tistisan namin.”
Paglilinaw naman ni City ENR Officer Atty. Carlo Gomez, ang tistisang nababangit ay ibinigay ng Konsehala sa City ENRO.
“[Siguro nakalimutan niya lang na nai-donate niya ‘yon gawa nu’ng ‘yong mga last part ng operation ng distribution ng house rebuilding program natin sa bandang Langogan, at saka rito sa may Tanabag, ‘yong area na ‘yon ang sakop ng tistisan na ibinigay niya sa City ENRO that time].
[Ibinigay niya kasi parang pinagkatiwala na niya ang operation noon doon sa mga tao natin. In fact, hindi lang naman ang City ENRO ang nagka-conduct ng pagtitistis nu’ng araw kasi kasama rin ‘yung mga executive assistance ni Mayor para mapadali ang trabaho,” pagtatama pa ng abogado.