PUERTO PRINCESA—Ikinasa nina Engr. Dennis B. Feria ng Municipal Engineering Office (MEO) at Sangguniang Bayan Ronnie N. Hikilan, Chairperson ng Committee on Infrastructure, Public Works, and Utilities, ang pag-inspeksiyon sa patuloy na konstruksiyon ng Farm-to-Market Road sa Barangay Caruray, bayan ng San Vicente, Palawan, nitong nakalipas na araw ng Miyerkules, Enero 8.

Ito ay bilang tugon ng Sangguniang Bayan sa mga reklamong natanggap ng kanilang tanggapan dahil umano sa mga waste materials na nagmumula sa gilid ng bundok dulot ng proyektong road construction na lubos umanong nakakaapekto sa mga sakahan sa lugar.

Ngunit ayon sa Sangguniang Bayan, layunin ng proyekto na mapabuti ang koneksyon ng pamilihan at mga sakahan sa pamamagitan pagsasaayos ng mga daang nagkokonekta sa Bgy. Caruray at sentro ng bayan ng San Vicente, Palawan.

Dagdag dito, binigyang-diin ng Sangguniang Bayan na kinakailangan din ang masusing konstruksiyon upang matiyak na maibibigay ang balanseng benepisyo nito sa komunidad.

Ipinaliwanag naman ng contractor na sumusunod sila sa orihinal na plano ng proyekto, ayon sa pag-uusap nito sa kampo ni SB Member Hikilan, na kung saan ay napagkasunduan ng dalawa na ipatawag ang mga nagrereklamo at magkaroon ng pag-uusap sa pagitan ng contractor at complainants upang matalakay ang nasabing problema.

Binigyang-diin din ni Hikilan na kung hindi magkaisa ang magkabilang-panig, ang usapin ay dadalhin sa isang mas malawak na konsultasyon sa barangay upang makahanap ng angkop na solusyon.

Dagdag dito, napagkasunduan din na itigil ang pagtatambak ng waste materials sa gilid ng bundok upang maiwasan ang muling pagkakaroon ng problema.

Samantala, patuloy namang magbabantay ang Sangguniang Bayan upang masiguro ang maayos at responsableng implementasyon ng proyekto na naaayon sa kapakanan ng mga residente. | via Lars Rodriguez

Photo courtesy: SB San Vicente