(Makikita sa larawan na kasalukuyang nasa ilalaim ng konstruksiyon ang sheltered port ng Pag-asa Island na pinondohan ng DOTr katuwang PEO at PPA. Kuhang larawan/ Provincial Information Office of Palawan)

Malapit nang makumpleto ang konstruksiyon ng ikatlong bahagi ng sheltered port sa Pag-asa Island sa bayan ng Kalayaan, Palawan, ayon sa ulat ng Provincial Information Office (PIO).

Anila, nasa 54 porsyento na ang natatapos sa nabanggit na proyekto kung saan ay inaasahang magagamit ng mga residente partikular sa industriya ng pangisdaan.

Ang proyekto ay pinondohan ng Department of Transportation (DOTr) na isinakatuparan naman ng Palawan Provincial Engineering Office (PEO) katuwang ang Philippine Ports Authority (PPA) at Local Government Unit (LGU) ng Kalayaan.

Ayon pa sa tanggapan, sinimulan ang konstruksyon nang unang bahagi ng sheltered port noong taong 2018 na may pondong 432 milyong piso habang taong 2021 naman nang ipagpatuloy ang konstruksiyon ng ikalawang bahagi na nagkakahalaga ng mahigit 221 milyong piso at nakumpleto ngayong taon.

Kaugnay rito, ang ikatlong bahagi ng sheltered port ay nagkakahalaga naman ng mahigit 466 milyong piso na inaasahang matatapos sa darating na buwan ng Marso sa susunod na taon.

“The Phase III of this project will be completed by end of March 2024 per schedule. As implementing agency, we have assigned Resident Engineer on site to ensure that construction will be based on plan and specifications and on time,” pahayag ni Provincial Engineering Officer Aireen C. Laguisma.

Ayon pa sa Provincial Information Office, ang proyektong ito ay makatutulong sa mga komunidad sa Pag-Asa Island sa West Philippine Sea (WPS) na magkakaroon ng maayos na port facility para sa mga pasahero, cargo ships, at fishing boats na inaasahang mapalago ang industriya ng pangisdaan at turismo sa Kalayaan Island Group (KIG) sa WPS.

(Makikita sa larawan na kasalukuyang nasa ilalaim ng konstruksiyon ang sheltered port ng Pag-asa Island na pinondohan ng DOTr katuwang PEO at PPA. Kuhang larawan/ Provincial Information Office of Palawan)

“Aside from uplifting the socio-economic condition of the Pag-asa Island community, the Provincial Government of Palawan through this project, ensures its connectivity to the main island of Palawan and accessibility all throughout the year especially during typhoon. This is part of our development agenda of achieving resiliency especially on the infrastructure sector of the province,” ani Engr. Laguisma.