Photo courtesy | Palawan Culture & Arts Facebook
PUERTO PRINCESA — Sa pagdiriwang ng National Indigenous Peoples Month ngayong buwan ng Oktubre, nais ni Board Member Al-Nashier Ibba, isang miyembro ng tribung Tausug, na bigyang pansin at pagkilala ang selebrasyon para sa mga katutubo sa lalawigan ng Palawan.
Ito ang kaniyang tinuran sa ika-113 regular session ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan nitong Oktubre 8, taong kasalukuyan.
“Ang selebrasyon ng National Indigenous Peoples Month ay hindi lamang para kilalanin ang katutubong karapatan kundi para rin ipagdiwang ang mga tagumpay ng mga katutubo at mas lalo pang palakasin ang kanilang komunidad,” ani Ibba.
“Ito ay pagkakataon para magbigay-pugay sa ating mga ninuno na siyang unang nangangalaga at nagpapanatili ng yaman ng ating kalikasan na ngayo’y unti-unti nang nagiging sentro ng mga pang-ekonomiyang proyekto ng ating Pamahalaan at mga pribadong sektor.”
Ayon kay Ibba, ito ay isang mahalagang okasyon hindi lamang para sa kanila na nabibilang sa mga katutubong grupo kundi para sa buong bansa upang kilalanin at ipagdiwang ang yaman ng ating kultura, kasaysayan, at kontribusyon ng mga katutubo sa ating lipunan.
Ayon sa datos ng Philippine Statistic Authority (PSA) noong 2022, 9.1 porsyento ng kabuuang household population ng bansa ay kabilang sa mga katutubong pamayanan. Tinatayang 9.84 milyon na mga Pilipino o 9.1 porsyento ng 108.67 milyong populasyon ay kinilala ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) bilang mga Indigenous People o IP’s.
Ayon pa sa bokal, ang mga bilang na ito ay hindi lamang nagpapakita ng dami ng mga katutubo kundi ang mahalagang papel nito sa lipunan sa buong Pilipinas partikular sa Palawan.
Tribung Tagbanua Tandulanen, Tagbanua Calamianen, Palaw’an, Batak, Molbog, Tau’t Bato, Agutaynen, Cagayanen, at tribung Cuyunon, ang siyam (9) na mga Indigenous Peoples’ Groups na kasalukuyang naninirahan sa lalawigan.
Sa kasalukuyan, marami pa ring mga katutubong grupo ang naninirahan sa mga isla at kabundukan ng lalawigan, bawat isa ay may natatanging kultura, wika, at tradisyon
“Ang aming mga pamayanan ay bahagi ng matagal ng kasaysayan sa Palawan, at ang aming mga kontribusyon sa pagpapanatili ng kalikasan at kultura ay mahalaga sa pagpapatuloy ng aming pagkakakilanlan,” saad pa ni Ibba.
“Batid natin na ang Republic Act. No. 8371 o Indigenous Peoples right Act 1997 IPRA law ay nagbibigay proteksyon sa mga karapatan ng mga katutubo kabilang narito ang kanilang mga karapatan sa lupaing ninuno, sariling pamahalaan, at pangangalaga ng kanilang kultura, ngunit sa kabila ng mga batas na ito marami pa ring komunidad ng katutubo ang patuloy na dumaranas ng marginalisasyon at diskriminasyon,” dagdag pa niya.
Ang mga katutubong tradisyon, wika at kultura ay hindi lamang bahagi ng ating pagkatao kundi bahagi rin ng kabuuan ng identidad ng Pilipinas at lalawigan ng Palawan kung kaya’t mahalaga na bigyan ng nararapat na pagkilala at suporta ang mga katutubo sa bawat aspeto ng lipunan, mula sa edukasyon, kalusugan, hanggang sa proteksyon ng kanilang mga lupain.
Ani Ibba, kinakailangan ding siguruhin na ang mga karapatan ng mga katutubo ay naipatutupad at napoproteksyunan. Tungkulin din aniya ng mga lider na itaguyod ang mga karapatan ng mga katutubo lalo na’t marami pa sa kanila ang nangangailangan ng suporta upang mapanatili ang kanilang komunidad at kultura.
Sa kabila ng mga hamon, patuloy ang mga katutubong komunidad sa kanilang matibay na paninindigan para sa kanilang mga lupain at karapatan, isa itong bagay na dapat nating irespeto at pagyamanin.
“Umaasa ako na ang araw na ito ay magsisilbing paalala sa ating lahat na mahalagang tungkulin natin bilang mga lider at tagapagtaguyod ng karapatan ng ating katutubo.
Nawa’y magsilbi itong inspirasyon para sa atin upang mas palakasin pa ang ating mga aksyon at mga batas na susuporta sa kanilang karapatan, kultura at kapakanan,” sinabi ng bokal.