Ang Pantot o Palawan Stink Badger (Mydaus marchei) ay isang uri ng mephitids (Mephitidae).

Ang Mephitidae ay isang pamilya ng mammals na binubuo ng Skunks at Stink Badgers, at tulad ng lahat ng mephitids, ang pantot ay nag tataglay ng isang specialized anal glands na nakakapagbuga o spray ng noxious chemical. Ang Pantot ay walang kakayahang lumaban sa ibang mababangis na uri ng hayop at umaasa lamang sa mabahong amoy na ito para ipagtanggol ang kanilang sarili sa mga predators.

Salungat sa kinaiinisan nating mabahong amoy nito, ang Pantot ay nakakaaliw pagmasdan. Nakakatawa itong panoorin habang nag lalakad gamit ang apat na maiiksi at matatabang mga paa. Ang kaniyang buntot ay maiksi rin para sa kaniyang katawan. Ang ulo at matulis na nguso ay maaring maihalintulad sa baboy, ngunit maliit ang kanyang tainga. Ang mahahaba at matutulis na kuko na kaniyang gamit sa pag huhukay ng makakain at tirahan ay maiisip natin na parang isang malaking sagabal sa paglalakad.

Kalimitan itong matatagpuan sa madamong kapatagan, second growths at primary forests, ngunit ito ay may mataas na tolerance sa deforestation at human presence kayat madalas din itong makita sa mga taniman, masusukal na gilid ng kalsada at makahoy o madamong palibot ng mga kabahayan. Ang Pantot ay hindi agresibo at kung mayroong panganib, mas pipiliin nitong tumakbo palayo o hindi gumalaw upang hindi mapansin. Ito ay kadalasan lamang na naglalabas ng mabahong amoy kapag ito ay nagulat o nasaktan.

Ang Pantot ay nocturnal. Ito ay kalimitang lumalabas lamang sa gabi upang maghanap ng makakain. Mga butas sa lupa at butas sa mga tumbang kahoy, makakapal na tumpok ng damo at makapal na tambak ng tuyong dahon at mga sanga ang kanilang paboritong tirahan at taguan sa araw.    

Ang Pantot ay malaking tulong sa ating kalikasan dahil nare-regulate nito ang populasyon ng mga invertebrates kabilang ang mga insekto at larvae ng mga insekto na nakakasira sa mga wild na halaman at mga pananim.

Ang Pantot o Palawan Stink Badger ay isa sa mga hayop na maaari nating ipagmalaki sapagkat liban sa kanyang kakaibang katangian, ito ay matatagpuan lamang sa lalawigan ng Palawan at wala nito saan mang parte ng mundo.

(Sulat ni Jojo De Peralta)

Author