Photo courtesy | PIO Palawan
PUERTO PRINCESA CITY – Nasa mahigit 500 na mga mamamayan ng bayan ng Brooke’s Point, Palawan, ang napagkalooban ng libreng serbisyo na ‘Lab for All Program’ na ginanap sa Octagon Covered Gym ng naturang bayan nitong Lunes, Disyembre 4.
Pinangunahan ng Pamahalaang Panlalawigan sa pamumuno ni Gob. Victorino Dennis M. Socrates at Bise Gobernador Leoncio N. Ola sa tulong na rin ng mga lokal na opisyal ng nabanggit na bayan, katuwang din ng nasabing programa ang tanggapan ni Congressman Jose Ch. Alvarez ng 2nd District ng Palawan, SAGIP Party List, at iba pang mga ahensiya na binubuo ng Lifecore Bio Integrative Inc., Integrated Association of Optometrist Inc.- Palawan Chapter (IPAO), Public Attorneys Office (PAO), Marine Batallion Landing Team 7, Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP).
Layunin ng programa na mailapit sa mga mga Pilipino ang libreng primary healthcare services at iba pang mga mahahalagang serbisyo mula sa gobyerno na pangunahing kailangan ng mga mamamayan.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ay may kaugnayan sa serbisyong medikal gaya ng pagpapakonsulta, dental services, nutrition services, Tuberculosis (TB) services, leprosy services, malaria screening, HIV screening and testing, laboratory testing, pneumonia and flu vaccination for senior citizens, HPV vaccination, free eye check-up at eye glasses, libreng gupit, tuli, legal services, at iba pa.
Ang LAB FOR ALL Program ay inisyatiba ni First Lady Marie Louise Araneta-Marcos na naglalayong magkaloob ng pangunahing tulong sa mga mamamayan ng buong bansang Pilipinas pagdating sa pangangalagang pangkalusugan sa pamamagitan ng libreng laboratory testing services, medical check-up, family planning services, at pamamahagi ng mga libreng gamot bilang suporta sa implementasyon ng RA. 11223 o ang Universal Health Care Act.
Una nang naisagawa ang kaparehong aktibidad sa mga byan ng Aborlan at Narra nitong nakalipas na ika-2 at ika-3 ng buwan ng Disyembre.
Samantala, dumalo naman sa kaganapan sina Board Members Marivic H. Roxas, Ryan D. Maminta, Ariston D. Arzaga, at Al-Nashier M. Ibba.