WALANG MALAY ang isang lalaki nang madatnan ng mga kawani ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force sa bahagi ng Baltan St., Bgy. San Miguel, nitong madaling araw ng Martes, Marso 11.
Habang nagpapatrolya ang tropa sa lugar, may napansin silang lalaking nakahiga sa kalsada, na ayon sa mga nakakita, ay napagtripan umanong suntukin ng mga lasing ang biktima.
Agad namang nagsagawa ng manhunt operation ang tropa upang hanapin ang mga suspek ngunit hindi na naabutan sa lugar ang mga ito.
Sa pagsisiyat ng ahensiya, nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at mga suspek sa isang painuman ngunit naayos naman umano ito.
Subalit, nang papaalis ang biktima sa nasabing painuman, dito na sinundan ng dalawang suspek ang lalaki at pinagsusuntok hanggang sa mawalan ng malay ang biktima.
Sinuri naman ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa ang biktima na kung saan walang nakitang malalang pinsala sa katawan nito.
Samantala, sinamahan ng tropa ang biktima sa Brgy. Hall ng San Miguel upang makapagpahain ng reklamo laban sa mga suspek.