PALAWAN, Philippines — TAONG 2003 nagsimula ang Love Affair with Nature o LAWN, ito ang sama-samang pagtatanim ng mga punong bakaw sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ng Puerto Princesa.
Upang mas mapalawig ang programa, nagpasa ng isang ordinansa ang Sangguniang Panlungsod noong Setyembre 26, 2005 kung saan ito ay isasagawa na tuwing ika-14 ng Pebrero, taun-taon.
Sa kasalukuyan, anim na libong ektarya ang mangrove area ng lungsod kabilang ang mga naitanim sa barangay San Jose, San Manuel, Inagawan-Sub, Iwahig, Tagburos, at Sicsican.
“Totoo talaga na ito ay na-established at pwede nating i-claim na ito ay lifetime commitment ng bawat isang mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa. Hindi [po] lahat ng mga siyudad, munisipyo o probinsya ay mayroong bakawanan — napakasuwerte ng lungsod ng Puerto Princesa kasi rito sa atin medyo malawak pa ang bakawanan,” ang bahagi ng mensahe ni Punong Lungsod Lucilo Bayron sa ika-20th LAWN sa Puerto Princesa.
Ayon sa alkalde, ang programang ito ay layuning mapanumbalik ang mga nasirang bakawan dahil sa natural na kalamidad, dagdag pa rito ang mga hindi kanais-nais na gawain ng mga iligalista.
Binigyan-diin nito ang kahalagahan sa pagtatanim ng mga bakawan at nananawagan ito sa mga mamamayan ng lungsod na pagtulungan na mas mapalago ang mangrove forest dahil napakaraming benepisyo nito sa mga susunod na henerasyon.
Paliwanag nito, ang bakawan ay ginagawang habitat o tirahan ng mga buhay-ilang, nesting area ng iba’t ibang ibon at nagsisilbing panangga sa panahon ng kalamidad. Nakakatulong din ito na mapigilan ang erosion at pangitlugan ng mga isda.
“Ito ang araw ng pagpapakita ng mga mamamayan ng lungsod ng Puerto Princesa ng pagmamahal sa kalikasan. Totoo talaga na ang mga taga-Puerto Princesa ay makakalikasan.
Maipagmamalaki natin ‘yan sa buong mundo, sa buong Pilipinas na dito sa lungsod kung kalikasan ang pag-uusapan yung pagmantini, pagpapalawak ng anumang meron tayo ay sigurado na kasama natin ang mamamayan ng Puerto Princesa,” dagdag pa ni Bayron.