Puerto Princesa City | MAGTATAYO ang Kalayaan Local Government Unit (LGU) ng isang multi-faith center sa barangay Pag-asa, Kalayaan, Palawan.
Ayon kay Mayor Roberto Del Mundo, ang proyektong ito ay tatawaging Bahay Pag-Asa, ang kauna-unahang religious structure na itatayo sa kanilang bayan.
“Nais ko rin ipabatid sa inyong lahat na magkakaroon kami ng isang malaking proyekto sa bayan ng Kalayaan. Ito po ang pagpapatayo ng bahay Pag-Asa, isang multi- faith center na itatayo sa isla ng Pag-Asa at ito ay magbibigay ng iba’t ibang suporta sa relihiyon sa isla na kung saan ang mga indibidwal ay maaaring magtipon o magdasal at magbahagi ng kanilang pananampalataya,” ito ang inanunsyo ng Alkalde sa awarding ceremony ng West Philippine Sea (WPS) Atin Ito! Video Reels Competition na ginanap sa SM Puerto Princesa kahapon, Pebrero 11.
Kaugnay nito, inaanyayahan nito ang bawat Palawenyo na makiisa sa isasagawang Pag-Asa Voluntourism Project sa darating na Marso 26-31, 2024.
Ito ay isang ‘travel with a cause’. Ang package na ito ay nagkakahalaga ng P30,000 kung saan ang P5,000 ay mapupunta sa proyektong bahay Pag-Asa. Kasama na rin sa package na ito ang Sustainable Tourism Fee at Environmental Fee.
“Nilalambing ko po ang mga kababayan kong Palawenyo maaari po kayong magdonate ng monetary o non monetary man ay magiging malaking tulong po ito sa ating hakbang para maipatayo ang ating bahay Pag-Asa–pwede po tayong makilahok sa Pag-Asa Voluntourism Project. Tiyak natin na tayo ay magtatagumpay sa ating mga adhikain para sa kabutihan ng ating mga kababayan kung tayo ay magkakaisa at magtutulungan,” ayon pa sa Alkalde.
Para sa iba pang katanungan tungkol sa Pag-Asa Voluntourism Project, bisitahin lamang ang official facebook page ng Municipal Government of Kalayaan Province of Palawan, Philippines at Spratly Islands, Palawan PH Tourism.